Sa pagsisimula ngayong Lunes ng byahe ng mga jeepneys na may rutang Balanga-Orani via Samal and Abucay ay may ilang naging paalaala ang Pamahalaang Bayan ng Samal.
Ayon kay Samal Mayor Aida D. Macalinao, pakiusap ng Bataan Jeepney Operators and Transport Service Cooperative sa mga pasahero na pumila lamang sa 3 stations sa bayan ng Samal upang makapag-log-in sa kanilang contact tracing log book.
Ayon pa sa Alkalde, ipinagbabawal muna ang pagsakay sa mga lugar na nasa pagitan ng tatlong mga sumusunod na “new normal jeepney stations.”
Ang Point A ay ang Barangay Lalawigan Plaza; Point B naman ang Samal Town Plaza; at Point C ang Calaguiman Plaza.
“Sa mga lugar na ito lamang maaaring sumakay at ipinaalaala rin natin sa ating mga mananakay na Samalenyo na huwag kalimutang magsuot ng facemask, magdala ng medical certificate at ang kanilang new normal card,” pahayag ni ‘Yorme Aida.’
Dagdag pa ni Macalinao, ang bawat jeep ay mandatory na kailangang huminto sa mga itinalagang checkpoints sa Lalawigan at Calaguiman.