LUNGSOD NG MALOLOS- Inihahanda na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga komunidad sa pagpapatupad ng gawain ngayong Agosto matapos ianunsyo ng Kagawaran ng Kalusugan na itutuloy na ang kampanya para sa “Sabayang Patak Kontra Polio” sa Gitnang Luzon, sa pakikipag-ugnayan sa World Health Organization at United Nations Children’s Fund.
Ang iskedyul ng pagbabakuna kasama ang mga Sabado, Linggo at mga holiday ay magsisimula sa Agosto 3-16, 2020 para sa round one phase two sa buong Bulacan maliban sa Lungsod ng San Jose del Monte na nakatakda sa Hulyo 20-Agosto 2, 2020, habang ang round two ay nakatakda sa Setyembre 7-20, 2020 para sa buong Gitnang Luzon.
Ayon sa Provincial Health Office-Public Health, nasa 62% ang accomplishment ng Bulacan sa Fully Immunized Children (FIC) na higit na mababa kaysa target na 95% ng bansa.
“Ibinaba na natin ang Sabayang Patak Kontra Polio sa tatlong lungsod at 21 bayan sa lalawigan upang maihanda sila sa sabayang pagbabakuna. Naniniwala tayo na maaabot natin ang target sa pamamagitan nito dahil mababakunahan lahat ng batang may edad 0-59 na buwan anuman ang estado ng bakuna nito, kaya lahat ng hindi nabakunahan noon mahahanap na ngayon,” ani Gob. Daniel R. Fernando.
Ibinahagi din ni Fernando na ang nasabing kampanya ay isa sa mga mahahalagang serbisyong pangkalusugan na kinakailangang maayos na maibaba at bagaman nasa gitna ng laban kontra COVID-19 ang bansa, tuloy pa rin ang sabayang bakuna ngunit marapat pa ring mahigpit na ipatupad at sundin ang mga alituntuin sa pag-kuntrol sa impeksyon gaya ng pagsusuot ng face mask, disinfection, pagsuri sa temperatura at physical distancing.
“Bakuna ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa sakit at pagsasalin nito. Kinakailangan ang tuluy-tuloy at sabay na pagsasagawa ng mga hakbang kontra polio,” pahayag ni Fernando.
Layon ng kampanya na mapalakas ang pagbabakuna kontra polio sa pamamagitan ng pagbibigay ng Monovalent Oral Polio Vaccine Type 2 (mOPV2) sa lahat ng batang may edad lima pababa upang masiguro na mapigilan ang pagkalat ng virus, kailangang dalawang magkasunod na round ng Sabayang Patak Kontra Polio ang maisagawa at makuha ang target na 95% upang matiyak na walang batang maiiwan.
Bukod dito, nakikiusap din ang Kagawaran ng Kalusugan na makiisa ang lahat ng magulang, health workers, opisyal ng barangay at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng kampanya upang mawakasan na ang outbreak, palakasin ang Acute Flaccid Paralysis Surveillance bilang patunay na natigil na ang pagsalin, pagbibigay diin sa tamang lugar at paraan ng pagdumi at pagpapaigting ng paglilinis ng kapaligiran at sarili.