CALUMPIT, Bulacan — Naglatag ng mas organisado at detalyadong patakaran si Mayor Jessie De Jesus para sa bayan ng Calumpit ngayong muling nakapailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ ang lalawigan ng Bulacan.
Una na riyan ang pagpapahintulot sa mga tricycle na makabiyahe alinsunod sa mga itinakdang araw kung kalian sila uubrang makalabas at makapamalengke.
Ipinaliwanag ng punong bayan na ang pagkakaiba sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa naunang MECQ sa muling pagpapatupad nito, binibigyan ng kapangyarihan ang mga pamahalaang lokal na magdesisyon hinggil sa pagbiyahe ng mga tricycle.
Kaya naman sa pagpapahintulot na ito ni De Jesus, isasabay ang biyahe ng mga tricycle sa muling pag-iral ng mga patakaran sa quarantine pass at market pass.
Layunin nito na hindi magsabay-sabay ang paglabas ng mga tricycle. Tanging maibibiyahe lamang ay iyon ding mga taga-barangay kung saan nakatira ang mga drivers at operators nito.
Paiikliin din ang oras ng operasyon ng Pamilihang Bayan ng Calumpit na magiging alas-singko ng umaga hanggang makapananghali ng ala-una ng hapon mula sa dating maghapong bukas. Magpapairal din ng liquor ban sa buong bayan habang nasa MECQ ang Bulacan.
Tungkol sa seguridad, naglagay ng mga checkpoints sa kada hangganan ng mga barangay.
Sa naunang MECQ sa Calumpit, ang mga checkpoints ay inilalagay lamang sa simula ng isang partikular na kalye hanggang sa katapusang dulo nito.
Ngunit ngayon, ayon kay Mayor De Jesus, minarapat nilang kada hangganan na ng barangay ang mga checkpoints kahit ito ay nasa ruta ng iisang kalye lamang, upang matiyak na walang makalusot na makapasok na hindi nakatira talaga doon.
Samantala, nagsimula na ring mamahagi ng 15 libong family food packs bilang fourth wave ng relief operation ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Ang Calumpit na may hangganan sa Apalit, Pampanga, ay tahanan ng may 34 libong pamilya. (CLJD/SFV-PIA 3)