BALANGA CITY – Mariing tiniyak ng mga pinuno ng kilalang manufacturer ng mga explosives sa Limay, Bataan na mapagkakatiwalaan ang kanilang mga ipinatutupad na safety measures sa kanilang pabrika.
Ito ang siniguro kay Bataan Governor Abet Garcia ni Orica Philippines Inc. safety officer Philip de Jesus sa ginanap na pulong nitong Biernes sa The Bunker at the Capitol.
“Lubhang maingat at mapagkakatiwalaan ang mga safety standards na aming ipinatutupad at walang panganib na magkakaroon ng aksidente o pagsabog,” pagtitiyak ni De Jesus.
Ang Orica ay ang pinakamalaking provider sa buong mundo ng commercial explosives at innovative blastings na ginagamit sa mining, quarry, oil, gas at construction markets.
Ang naturang pulong sa Kapitolyo ng Bataan ay kaugnay sa pangyayari kamakailan sa Beirut, Lebanon kung saan nagkaroon ng major explosion na kumitil sa buhay sa mahigit isandaang katao at ikinasugat ng libo-libong mamamayan doon.
Ayon pa kay De Jesus, bagamat ang ammonium nitrate ay raw material sa paggawa nila ng explosives, sinisiguro nila na walang dapat ikabahala ang pamahalaan lalo na’t mayroon na aniya silang 51 taon na malinis na track record.
Inatasan naman ni Governor Garcia ang PNP na magsagawa ng pagsusuri sa lahat ng iba pang mga kumpanya na gumagamit ng mga ganitong raw materials, lalo na sa mga ports at processing zones.
Ito ay upang makasiguro na sila ay sumusunod sa lahat ng safety standards and protocols at maiwasan natin ang mga aksidente o hindi sinasadyang pagsabog.