Digital Quarantine Pass, ipinapatupad sa Baliwag

BALIWAG, Bulacan — Tiyak na maipipirmi sa sariling bahay ang mga Baliwagenyo ngayong mahigpit na ipinapatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Digital Quarantine Pass.

Kinabitan ng QR Code ang Digital Quarantine Pass ng bawat kinatawan ng isang pamamahay. Naka-program ito sa IamSafe Web App na binuo ng Municipal Information and Communication Technology Office ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa direktiba ni Mayor Ferdinand Estrella. Dahil dito, tanging ang mga otorisadong tao lamang ang napapayagang lumabas ng bahay at pumasok sa mga establisemento.

Ang sistema ayon sa Executive Order No. 29 ni Estrella, kapag pumunta ang isang Baliwagenyo sa palengke, grocery at iba pang establisemento, nagkabit ng IamSafe QR Scanner ang pamahalaang bayan upang madaling matukoy kung sila ang nararapat lumabas alinsunod sa patakarang itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sa tulong ng mga pamahalaang barangay, pinagrehistro ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag ang mga kinatawan sa bawat pamamahay. Ang kanilang mga quarantine pass ay dinikitan nitong QR Code na nakarehistro sa IamSafe Web App.

Bukod sa pagtitiyak na ang tamang tao ang dapat na lumabas, idinisenyo rin ang Digital Quarantine Pass na ito upang makapagsagawa nang mabilis na contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Baliwag.

Binigyang diin pa ni Estrella na sa pagpapatupad ng ganitong sistema, upang mabawasan o maiwasan ang manual registration sa mga pampublikong lugar at mga establisemento. 

Makakatulong din ito upang malaman ng pamahalaang bayan kung sinong Baliwagenyo ang nangangailangan ng agarang serbisyo at tulong medikal.

Aabot na sa 173,491 na mga Baliwagenyo ang individual users ng IamSafe QR Code na pawang mga kinatawan sa bawat pamamahay na pupwedeng lumabas sa mga araw na itinakda.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews