AFAB quarantine facility balik serbisyo na

MARIVELES, Bataan – Siniguro ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB), sa pangunguna ni Administrator Emmanuel D. Pineda, ang kaayusan ng FAB Quarantine Facility (FAB QF) sa muli nitong pagbubukas matapos pansamantalang tumigil upang bigyang daan ang pagdaragdag ng mga silid at pag-aayos ng mga pasilidad nito.

Ayon kay Pineda, bagamat layunin ng FAB QF na bigyang prayoridad ang mga FAB workers at kanilang mga pamilya ay bukas din aniya ito sa mga mamamayan ng Mariveles kung kakailanganin.

Sa kasalukuyan ay may 52 bed capacity ang Building 1. Nakalaan ang 12 silid para sa mga babae at 14 naman para sa mga lalaki. Kada silid ay may dalawang kutson na higaan, sariling mesa at upuan, lababo, palikuran at electric fan na ayon sa mga eksperto ay mas nararapat upang mapanatili ang tamang bentilasyon at sirkulasyon ng hangin.

Isang doktor, apat na nurses, at apat na nursing attendants din ang itinalaga ng Provincial Government of Bataan (PGB) dito.

Kaugnay nito, ani Pineda, nananatili ang pagnanais ng AFAB na masigurado ang maayos na koordinasyon para sa sinumang ililipat sa naturang pasilidad.

“Tanging ang mga asymptomatic na pasyente edad 18-59 lamang ang maaaring payagang manatili sa FAB QF. Ang mga may malubhang sintomas ng COVID-19, may comorbidities, o may ispesyal na pangangailangang medikal ay pinapayuhang manatili sa ospital upang mas mabigyan ng karampatang tugon,” sabi pa ni AFAB Administrator.

Bago lumipat ang pasyente ay sasagutan ng Municipal Health Office – Municipal Epidemiology and Surveillance Unit (MHO-MESU) ang referral form na siyang ipapakita pagdating sa FAB QF. Bukod sa referral form ay dapat ding dalhin ng pasyente ang kanyang Case Investigation Form (CIF), reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) result o resulta ng swab test, at company ID.

Gayundin, kailangan aniyang magdala ng mga personal na gamit ang pasyente bilang bahagi ng pag-iingat tulad ng damit para sa 14 na araw, face mask, face shield, unan at kumot, at gamit sa pagkain gaya ng kutsara, tinidor, baso, plato, at iba pa.

Samantala, sa tulong ng Philippine Red Cross (PRC) ay kasama na sa kit na ibibigay sa quarantine facility ang mga toiletries.

Inaasahan ring matatapos na ang paghahanda ng Building 2 ng FAB QF na may karagdagang 64 bed capacity sa pagtutulungan ng AFAB, PGB, at Provincial Health Office

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews