Dalawa ang patay habang 3 ang sugatan sa naganap na pagbagsak ng temporary post ng ginagawang tulay sa Brgy. Tipo, Hermosa, Bataan nitong Martes ng hapon.
Sa inisyal na ulat mula sa isang source sa PNP, kinilala ang mga namatay na sina Vivincio Pamisa at Marvin Tajores kapwa mga scaffolders.
Sugatan naman sila Joel Pitel, John Ray Salatan at Peter Pahilan, lahat ay pawang mga manggagawa ng Sta. Clara International Corp.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente ganap na 1:20p.m. nitong Martes sa ginagawang Jadjad Bridge sa naturang lugar.
Ayon sa isang kasamahan ng mga biktima bumigay umano o nag collapsed ang 18 metrong bridge steel girder na may bigat na 180 tonelada at dumagan sa mga biktima.
Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.