BALANGA CITY – Pumirma ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan sa pangunguna ni Governor Abet Garcia sa isang Joint Venture Agreement sa QPAX Traffic Systems Incorporated na kinatawan naman ni Chief Executive Officer Manolo Steven M. Ona para sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program sa Lalawigan ng Bataan.
Ayon kay Gobernor Garcia, gamit ang high-tech na mga camera, flashes, central processing units, signal controller interfaces at sensor arrays na makapagrerehistro nang mas malinaw na imahe ng mga sasakyan, plaka at drayber, mas mabilis na matutukoy ang mga motorista na lumalabag sa mga batas-trapiko gaya ng overspeeding, hindi pagsusuot ng helmet at paggamit ng telepono habang nagmamaneho.
Ang hakbang na ito, dagdag pa ng Gobernador, ay kaugnay pa rin ng kanyang layunin na mapababa ang bilang o lubusang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Katuwang sa programang ito ang Philippine National Police (PNP-Bataan) sa pamumuno ni Police Col. Joel Tampis, Land Transportation Office (LTO), at Public-Private Partnership Investment Center (PPPIC) sa pangunguna ni Atty. Aurelio “Joey” Angeles.
“Patuloy po ang ating pakikipag-ugnayan sa mga pampubliko at pribadong ahensya upang mapanatili ang seguridad at kaayusan ng ating probinsya,” pagtitiyak pa ni Gob. Garcia.