P292M road infra project sa Bulacan sinimulan na ng DPWH

Sinisimulan na ng Bulacan First District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga serye ng road infrastructure projects sa dalawang distrito sa lalawigan ng Bulacan makaraang mai-release na ang mahigit P292-milyong pondo para rito galing sa national government sa ilalim ng General Appropriation Act (GAA) para sa taong 2020.

Ayon kay District Engineer Henry Alcantara, hepe ng DPWH-1st District Engineering Office, labing-isang road infrastructure projects ang naka-line up na pagawain sa mga pangunahing kalsadahan sa kaniyang nasasakupan partikular na sa Una at Ikalawang Distrito ng Bulacan ang makikinabang sa nasabing pondo na may kabuuang P292.163 milyon.

Kabilang na rito ang rehabilitasyon, rekonstruksyon, asset preservation, preventive maintenance, upgrading of damaged pave roads – primary roads, secondary roads, tertiary roads at rehabilitation of drainage canal sa mga kalsadahan partikular na sa Manila North Road o former Mac Arthur Highway at sa Daang Maharlika Highway na dating DRT Highway.

Sinabi ni Alcantara na ang naturang pondo ay bahagi ng For Later Release (FLR) ng General Appropriation Act 2020 na nabalam ang pag-release dulot ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na makaraang mai-release ang nasabing pondo ay agad na nasimulan nitong Nobyembre 24 ang P26.2-milyong rehabilitation/ reconstruction/ upgrading of damaged pavement roads primary roads ng “flood prone area” ng Bocaue-Balagtas boundary sa bahagi ng Manila North Road Intercity Section.

Ipinag-utos ni DE Alcantara kena Assistant DE Engr. Aris Ramos at Chief Maintenance Division Engr.Ernesto Dauz ang mabilisang pagpapangasiwa ng mga naturang pagawain upang matugunan at maaksyunan agad ang mga sirang kalsadahan na siyang magpapagaan ng daloy ng trapiko.

P75-milyon naman ang inilaan para sa pagawain ng kahabaan ng Manila North Road sa bahagi ng Lungsod ng Malolos at isusunod dito ang road construction sa bahagi naman ng Malolos-Crossing na nilaanan ng P13.8-milyon.

Kasabay din sa mga pagawaing ito ang P88.895-milyon na nakalaan para sa rehabilitation/ reconstruction/ upgrading of damaged pavement roads primary roads, asset preservation at drainage canal rehabilitation sa Daang Maharlika Highway sa bahagi ng mga bayan ng Guiguinto, Plaridel at Baliuag.

Ayon kay Engr. Dauz, magsasagawa naman ng asset preservation-preventive maintenance-tertiary road reblocking sa Kilometer 47 at 48; rehabilitation/ reconstruction at upgrading of damaged pave roads-tertiary roads sa bahagi ng General Alejo Santos Highway sa Bustos, Bulacan na may kabuuan namang P32.913-milyon pondo.

P5.411-milyon naman ang nakalaan para sa aspalting sa bahagi naman ng Bocaue-San Jose Road sa Bocaue, Bulacan.

Naka-abang din ang pagsasaayos sa Pulilan-Calumpit Road na nilaanan ng P17.169-milyon pondo; P25.338-milyon naman para sa Pulilan-Plaridel Diversion Road at P14.772-milyon naman sa Baliuag-Candaba Road.

Dagdag pa ni DE Alcantara na ang ibang mga nabanggit na road infra projects ay nakatakdang simulan sa mga susunod na linggo o buwan ng Disyembre.

Paglilinaw naman ni ADE Ramos, ngayon lang maisasakatuparan ang mga nasabing pagawain na pilit inihabol na mailabas ang pondo bago matapos ang taon 2020 pilit nilang tatapusin sa loob ng 120 days o hanggang sa buwan ng Marso 2021.
.
Asahan naman ang mahigpit at masikip na daloy ng trapiko sa mga susunod na linggo sa mga nabanggit na kalsadahan bunsod sa mga nasabing pagawain.

Dahil dito, nakiusap si DE Alcantara sa mga Bulakenyo partikular na sa mga motorista ang mahabang pang-unawa sa idudulot na trapiko sa kasagsagan ng mga konstruksyon kung saan tiniyak naman nito ang mabilis at maginhawang paglalakbay sa sandaling matapos lahat ang mga nasabing road infra projects.

Prayoridad ng mga pagawaing ito ang mabigyan ng long term solution ang concern ng mga motorista hinggil sa mga sakripisyo ng mga ito sa mabigat na daloy ng trapiko dulot ng mga sirang kalsadahan.

Asahan ang ibayong kaginhawahan ang idudulot nito sa traffic situation sa mga nabanggit na kalsadahan, dagdag pa ni Alcantara.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews