Patay ang isang senior citizen sa naganap na banggaan ng dalawang tricycles sa National Road sakop ng Brgy. Calaylayan, Abucay, Bataan, Mierkoles ng hapon.
Sa report mula kay Police Captain Leopoldo Estroque, hepe ng Abucay PNP, kinilala ang biktimang namatay na si Teresita Demaña, 63 anyos habang sugatan naman sina Realyn Dela Cruz, 41 at Ruby Ramires 35 anyos.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na lulan ng dalawang tricycles ang mga biktima.
Ang tricycle na minamaneho ni Noel Salvador ay bigla umanong kumaliwa at natyempong paparating ang tricycle na minamaneho naman ni Henry Dela Cruz na humantong sa banggaan.
Kaagad na isinugod ng mga rumespondeng MBDA Medics ang mga biktima sa Bataan General Hospital kung saan idineklarang dead on arrival si Demaña, habang binigyan naman ng pangunang lunas ang iba pang nasugatan.