LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang inilunsad ang aklat na pinamagatang “San Ildefonso, Bulacan: Isang Kasaysayang Bayan” na nailimbag sa tulong ng pondong mula sa Commission on Higher Education o CHED.
Iniakda ito ng historyador na si Dr. Jaime Veneracion, pangulong emeritus ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan.
Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera, kabilang ito sa mga pinondohan ng nasa P20 milyon na inilaan ng komisyon para sa iba’t ibang proyektong panturismo sa Bulacan sa ilalim ng SHINE Bulacan project, o ang Sustainable Heritage Imbibing Nationalism through Ecotourism.
Maaring gugulin ito ng Bulacan State University, Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office at ng mga rehistradong non-government organization na may aprubadong proyektong panturismo.
Ipinapaliwanag pa ng tagapangulo na ang inilunsad na aklat ay magsisilbing “promotional material” din upang magkaroon ng interes na mabisita ang bayan ng San Ildefonso, kapag dumating ang panahon na pwede na muling mamasyal.
Ganito rin ang layunin kung may ibang aklat sa iba pang mga bayan o lungsod na isinulat o susulatin ang lokal na kasaysayan nito.
Mayroon itong 10 mga kabanata mula sa pagtataguri na isang Marlboro Country, Mula Pinaod hanggang Buenavista, Parroquia-Pueblo de San Rafael, El Pueblo de San Ildefonso, Ang San Ildefonso ni Kap. Faustino Quijano, Sa Panahon ng Paglaban sa Katarungang Panlipunan 1900-1941, ‘Jerusalem’ ‘Bahay na Pula’ at Little Tokyo; Pulitika ng Post-war, Sa Panahon ng mga Viudez at Ileto at pangsampu ang Sangang Daan.
Para kay Veneracion, naniniwala siya sa pananaw na ang tunay na kasaysayan ng bayan ay matatagpuan sa lokalidad.
Kaya rin aniya tinawag o pinamagatan na Kasaysayang Bayan ang aklat na ito, sapagkat binubuo ito ng paggamit ng mga datos mula sa arkibo o iyong tinatawag na mga institusyonal na mga datos. Mula ito sa larangan na nasa paligid ng pinag-aaralang lugar.
Nabubuo ang salaysay kapag nagtagpo o “nagka-umpugan” ang mga institusyunal at hindi institusyunal na datos gaya ng memo-circular at mga dektreto o batas para maitakda na may pagtitiyak ang araw o panahon ng pangyayari.
Target maiparating ang inilunsad na aklat sa mga institusyong pang-akademiko upang maging reperensa sa pagtuturo ng lokal na kasaysayan partikular na sa bayan ng San Ildefonso at sa Bulacan sa kabuuan.
Samantala, tiniyak ni De Vera na patuloy na magkakaloob ng pondo ang CHED sa mga state universities and colleges upang magamit ng mga pamahalaang lokal at mga lehitimong samahang panturismo.
Ngayon lamang aniya naipatupad na magkaroon ng regular na pondo ang CHED, na mula sa bahagi ng travel tax na nakokolekta ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority sang-ayon sa mga probisyon ng Republic Act 9593 o National Tourism Policy Act of 2009.