LUNGSOD NG MALOLOS – Umabot sa 258 Bulakenyo ang pinagkalooban ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng burial assistance habang 300 naman para sa calamity assistance sa ginanap na Pamamahagi ng Tulong Pinansyal Para sa Housing Materials ng mga Nasalanta ng Bagyong Ulysses at Burial Assistance na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito nitong Martes.
Ayon sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang calamity assistance na nagkakahalaga ng P3,000 para sa housing materials ng mga nasalanta ng bagyong Ulysses ay donasyon ng Bagong Henerasyon Partylist sa pangunguna ni Kinatawan Bernadette Herrera-Dy.
Samantala, ang 258 indibidwal na pinagkalooban ng burial assistance na nagkakahalaga ng P2,000 ay kabilang sa 550 benepisyaryo ng trust fund ng probinsya mula sa Regional DSWD.
Bukod dito, pinangunahan din Gob. Daniel R. Fernando sa pamamagitan ni Rowena J. Tiongson, pinuno ng PSWDO, ang pamamahagi sa may 50 benepisyaryo ng medical at assistive deviceskabilang ang nebulizer, blood pressure apparatus, glucometer, wheelchair at iba pa na kaloob naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Taus-puso namang nagpapasalamat si Fernando sa mga tumulong at patuloy na nagbibigay ng donasyon para sa mga Bulakenyo dahil malaking bagay ito upang maibsan ang kanilang hirap na nararanasan.
“Maraming salamat po sa lahat ng mga kababayan natin na may busilak na puso na hindi nagsasawang tumulong sa ating mga kalalawigan. Tunay po na kapag mas marami ang nagtutulungan, mas marami pong buhay ang ating mababago at mabibigyan ng pagkakataong makapagsimulang muli,” anang gobernador.