Siyamnapu’t-lima katao na karamihan ay mga kabataang “children in conflict with the law “ (CICL) at mga empleyado ng Bahay Tanglaw Pag-asa (BTP) sa Bulacan ang nagpositibo sa COVID-19 at kasalukuyan sumasailalim sa quarantine.
Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, Provincial Health Officer II at hepe ng Bulacan Medical Center (BMC), kabilang sa mga tinamaan ng COVID-19 ay ang 80 kabataang inmates o CICL, siyam na staff mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at anim na jail gurads dito.
Nabatid na naka-hard lockdown ang nasabing juvenile reformation and correctional facility o mas kilala bilang Bahay Tanglaw Pag-asa na matatagpuan sa Barangay Guinhawa sa Lungsod ng Malolos mula nang magpositibo ang mga nakadetineng mga kabataan at mga tauhan.
Napagalaman na nahawa ang mga ito sa isang kawani ng PSWDO na unang nagpositibo noong Marso 26, 2021 matapos dumalo sa isang birthday party kung saan nagpositibo rin sa virus ang celebrant.
Ayon pa sa report, sunod-sunod na nagkaroon ng sintomas na ubo at lagnat ang mga nabanggit na kabataan hanggang pati ang mga PSWDO staff at mga jail guards ay nahawa na rin.
Ayon kay Dr. Celis, natapos na umano ang 14-day quarantine sa mga ito subalit minabuti nila na paabutin pa ng hanggang dalawampu’t-isang araw ang quarantine sa mga ito.
Samantala, nanawagan si Governor Daniel Fernando na dapat aniyang sabayan ng paglaban sa mga maling impormasyon ang pakikibaka sa nararanasang pandemya ng COVID-19.
Iyan ang binigyang diin ng gobernador sa ginanap na pulong ng Provincial Task Force against COVID-19 kamakailan dahil sa labis na pagkalat ng mga maling impormasyon na aniya’y nakakapagdulot ng lalong pagkalito, pagkatakot at pagkagalit ng mga Bulakenyo kung saan mas marami pa rin ang magagandang resulta kaugnay ng epekto ng pandemiya.
Ayon kay Fernando, nananatili pa rin mataas ang recovery rate ng Bulacan na nasa 78% halimbawa na rito ang 15,891 mga gumaling mula sa 20,139 na tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan.
Higit na mas mataas umano ito sa 19% o 3,707 na kasalukuyang may COVID-19 o tinatawag na active cases habang nakapagtala naman ng 3% o 541 ang namatay dahil sa nasabing sakit.
Hinikayat ng gobernador ang mga Bulakenyo na makiisa ang mga ito at sumunod sa ipinatutupad na mga alituntunin ng DILG at IATF na siyang pinakamabisa aniyang paraan para sugpuin ang Covid-19.
“Sa halip na punahin ang mga hakbang ng pamahalaang nasyonal at lokal ay makipagkooperasyon ang mga ito dahil walang magaling sa panahon ng pandemya, ” pahayag ng gobernador.