Pagtatala ng COVID-19 cases sa Cabanatuan, sentralisado

Bumuo ang lokal na pamahalaan ng Cabanatuan ng isang sistema sa pagtatala ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa lungsod. 

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO Chief Eugene Mintu, sa atas ni Mayor Myca Elizabeth Vergara ay bumuo ang tanggapan ng sentralisadong sistema hindi lamang para sa pamahalaang lokal kundi para sa lahat ng mga ospital at medical laboratories pampubliko man o pribado na matatagpuan sa Cabanatuan.

Aniya, ito ay isang pamamaraan ng pamahalaang lokal upang makita ang aktwal na bilang ng mga nagkakasakit ng COVID- 19 sa lungsod partikular ang tunay na sitwasyon ng buong siyudad hinggil sa patuloy na paglaban sa pandemya.

Ito ang Data Management and Generation for COVID-19 related Cases na kung saan naitatala ang mga aktwal na kaso mula sa mga pribadong ospital, laboratoryo, City Hospital, City Health Office at mga sakop nitong health centers.

Sa pamamagitan ng nasabing systema ay agad na nakikita ng CDRRMO at City Social Welfare and Development Office ang mga kababayang nagpositibo sa sakit na dapat mabigyan ng ayuda gayundin ang mga lugar na dapat makapagsagawa ng disinfection.

Makikita din dito ang petsa kung kailan natanggap ang mga ayuda galing sa pamahalaang lokal gayundin ang petsa ng isinagawang disinfection sa mga pasilidad.

Ang lahat ng mga datos na pumapasok sa sistemang ito ay napupunta sa central database na layong makapag-generate ng summary at interpretasyon sa impact ng COVID-19 sa lungsod.

Paliwanag ni Princess Sabile ng CDRRMO, ipinaunawa ng tanggapan sa mga private hospitals at laboratories sa lungsod ang resposibilidad na ipaalam sa pamahalaang lokal sa pamamagitan ng City Epidemiology Surveillance Unit o CESU ang realtime result ng mga isinagawang pagsusuri sa pagtukoy sa mga may sakit ng COVID-19 batay sa isinasaad o nakapaloob sa Batas Republika Bilang 11332.

Kinakailangan aniyang maipasa agad sa tamang oras ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri na pagbabatayan ng pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng mga susunod na hakbang gaya ng contact tracing, disinfection, pamamahagi ng ayuda at iba pang pangangailangan ng mga kababayang may sakit.

Ayon pa kay Sabile ay regular na sinisiyasat kung wasto ang pag-eendorso ng mga naitatalang COVID-19 cases ng mga pribadong ospital at laboratories sa CESU dahil kung hindi ay ipasasara ang establisimentong hindi makasusunod sa tamang oras na pag-uulat.

Mula sa CESU ay ang mga health center naman ang mamamahala sa pagtukoy kung saan nakatira o residente ang pasyente na sila ding magtutuloy hanggang sa contact tracing, case validation, case investigation, paggabay sa pagsasagawa ng quarantine ng pasyente at iba pa.

Mahigpit na din aniya ang tagubilin sa mga pribadong laboratoryo na huwag agad paaalisin ang pasyenteng sumailalim sa pagsusuri partikular ang mga nagpositibo sa sakit dahil mismong ambulansiya ng pamahalaang lokal ang maghahatid sa pasyente patungong quarantine facility o sa kanilang tahanan upang masigurong wala nang direktang makakasalamuha.  

Pahayag ni Vergara, kinakailangang maintindihan ng mga ospital at laboratoryo ang protocol na paguulat agad ng mga kaso ng COVID-19 dahil apektado ang kalagayan ng mga may sakit na nangangailangan din ng tulong gayundin ang mahalagang pagsasagawa ng contact tracing.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews