LUNGSOD NG CABANATUAN — Mga kapulisan mismo ang nanguna at nangasiwa sa paglulunsad ng mga community pantry sa Nueva Ecija.
Ayon kay Police Provincial Office Director Colonel Jaime Santos, layunin ng ganitong aktibidad na makatulong sa mga higit na nangangailangang mamamayan lalo ngayong ramdam pa din ang epekto ng pandemyang COVID-19.
Katuwang ang mga indibidwal at mga samahang nagbibigay ng mga pagkain gaya ng bigas, gulay at iba pang suplay ay nakapaglunsad ang kapulisan ng nasa 34 na community pantry sa buong lalawigan.
Pahayag ni Santos, sa pamamagitan ng ganitong mga gawain ay nabibigyang halaga at naipakikita ng mga kapulisan ang bayanihan spirit na ang tanging layunin ay makatulong sa kapwa.
Kaugnay nito ay kanyang hinihikayat ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan at mamamayang nais makatulong na magkaroon ng kagayang aktibidad batay sa sariling kakayahan upang makapagbigay sa iba.
Ang mga community pantry na inilunsad ng mga kapulisan ay target na magtuloy-tuloy kada linggo na isinasagawa sa mga higit na nangangailangang komunidad o nasa kategoryang threatened barangay upang maipadama na hindi sila nalilimot o napapabayaan bagkus ay nais laging matulungan.
Gaya ng mga unang community pantry ay mayroon ding paalalang nakapaskil para sa lahat na “Magbigay ayon sa Kakayahan, Kumuha ng ayon sa Pangangailangan,” upang mas marami ang makinbanang na kababayan.
Pinuri naman ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force at pamahalaang panlalawigan ang inisyatibong ito ng mga kapulisan na paghahatid ng malasakit at tulong sa mga Nobo Esihano.