‘Persona non grata’ vs Australian national binawi, komunidad dismayado, natatakot

Binawi ng pamahalaang barangay ng Barangay Bigte sa Norzagaray, Bulacan ang ipinataw na resolusyong pagdeklarang ‘persona non grata’ sa isang Australian national kung saan ikinadismaya ito ng mga residenteng nagpetisyon sa dayuhan.

Ang lift order ay pinagtibay ng konseho ng Sangguniang Barangay ng Bigte na sinusugan ni Barangay Captain Jovina Lamadrid kung saan apat ang bumoto na pumapabor na i-lift ang resolusyon habang tatlo naman ang di sang-ayon kaugnay ng usaping ‘persona non grata’ na ipinataw sa dayuhang si Dr. Tristan Daniel Evans.

Dahil sa kaganapang pag-bawi o pagpapalabas ng lift order nitong nakaraang Lunes, dismayado naman ang mga residente ng Sitio Upper COC, Barangay Bigte, Norzagaray na silang nagreklamo laban sa dayuhan sa pangunguna ni Luisa Ogoc.

Ayon sa petitioner na si Ogoc, natatakot ngayon sila sa pagbabalik ng dayuhang si Evans dahil naniniwala sila na gaganti ito at lalo anila silang peperwisyuhin sa kanilang komunidad gaya ng ginagawa anila sa kanila nung una.

Magugunita na Pebrero 1, 2021 ay pinagtibay ng Bigte Barangay Council ang Resolution No. 2021-003 na idenedeklarang ‘persona non grata’ ang dayuhang Australyano matapos ireklamo ng isang komunidad o residente mula sa nasabing lugar.

Ayon kay Kapitan Lamadrid, aminado siya na nagkamali sila ng desisyon na patawan ng ‘persona non grata’ si Evans dahil ang nasabing hakbang ay hindi umano naaayon sa itinakda sa konstitusyon sa kung “paano at kailan” dapat ipataw ang resolusyon laban sa isang indibiduwal.

Sinabi ni kapitan na lumalabas na mahina at kulang ang batayan nila para ipataw ang persona non grata sa Australian national base na rin sa pagsusuri at payo ng nakatataas kaugnay ng usapin.

Hindi naman kumbinsido rito ang mga nagrereklamo laban sa dayuhan at patuloy umano sila mag-aapela at ipaglalaban ang kanilang reklamo.

Nabatid na nag-ugat ang pagpataw ng resolusyong pagbawalan na tumuntong muli si Evans sa nasabing lugar nang balewalain umano nito ang ilang serye ng pagpapatawag sa kaniya sa barangay kaugnay ng pagkakakilanlan sa tunay na pagkatao nito at sa plano nitong pagpapatayo ng “monkey sanctuary” sa nabanggit na lugar.

Sa ilang beses na patawag kabilang dito ang isasagawang public hearing sa “monkey sanctuary” na planong itayo ni Evans ay hindi sumipot ang dayuhan hanggang sa magdesisyon ang barangay na hindi pinapayagan ang nasabing sanktuaryo.

Dahil dito ay nagsimula na umano ang pananakot ng dayuhan sa mga residente roon at isa na rito si Ogoc na nagpapatunay sa mga panggigipit sa kanila ni Evans kung kayat inereklamo muli nila ito sa barangay at hiniling na paalisin sa kanilang lugar.

Muli na naman ipinatawag si Evans sa barangay kaugnay ng umano’y” harassment” nito sa mga residente ngunit hindi pa rin ito dumadalo sa mga patawag ng barangay hanggang sa ibaba ang Resolution Order o persona non grata laban sa dayuhan.

Sa nakalap na impormasyon, taliwas naman ang lahat ng alegasyon kay Evans na sinasabing nagdudulot ng perwisyo sa nasabing lugar buhat umano nang ito ay magsimulang manirahan sa Barangay Bigte mula pa noong 2015.

Marami ring mga residente rito ang nagpatunay at nagpakita ng mga ebidensiya na si Evans ay isang matinong tao at matulungin kung saan marami siyang mga charity missions na sinuportahan maging ang Barangay Bigte at kapulisan ay tinutulungan umano ng dayuhan buhat pa sa hagupit ng bagyong Ulysses hanggang pandemiya.

Sa mga text messages ni Evans ay sinabi nito na ang ugat ng lahat ay dahil aniya sa pera at inggit at siya umano mismo ang tinatakot at pinagbabantaan na aniya ay kaya niyang patunayan base sa mga hawak niyang ebidensiya.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews