Bagong ospital sa Bocaue, binuksan na para sa COVID-19 patients

BOCAUE, Bulacan — Pinasinayaan na ang bagong gawang Joni Villanueva General Hospital sa bayan ng Bocaue sa Bulacan na magsisilbing COVID-19 Field Extension Facility ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital o JBLMGH.

Ayon kay Department of Health o DOH Regional Director Corazon Flores, hudyat ito na nakahanda nang tumanggap ang pasilidad ng mga pasyenteng may mild at severe symptoms simula sa Lunes, Mayo 31.

Taong 2017 nang pasimulan ang konstruksyon nito sa inisyatiba ng pamahalaang bayan upang magsilbi sanang isang lokal na ospital.

(Mula kanan) Pinangunahan nina National Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer at Bases Conversion and Development Authority President Vince Dizon, DOH Assistant Secretary Maria Francia Laxamana, Bulacan Governor Daniel Fernando, Senador Joel Villanueva, DOH Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega, Jose B. Lingad Memorial General Hospital Medical Center Chief Monserrat Chichioco, at DOH Regional Director Corazon Flores ang pagpapasinaya sa Joni Villanueva General Hospital. (Rodel Zuñiga/PIA 3)

Inilahad ni DOH Assistant Secretary Maria Francia Laxamana na nang tumama ang pademya nitong 2020 ay kinonsidera ng ahensya na magamit ang pasalidad dahil nakatayo ito sa istratehikang lokasyon gaya ng pagiging katabi ng Ciudad de Victoria exit ng North Luzon Expressway.

Madali rin aniya itong makakatulong upang makapag-augment para hindi umapaw ang mga pasyenteng may COVID-19 sa iba’t ibang ospital ng gobyerno.

Sa pagpayag ng pamahalaang bayan at Tanggapan ni Senador Joel Villanueva, ganap nang naging extension facility ito ng JBLMGH.

Umabot sa 300 milyong piso ang nagugol mula sa taunang pambansang badyet para maitayo ang dalawang palapag na gusali. Naglalaman ito ng 50 kama na kapasidad na fully airconditioned.

Itinayo ang ospital sa dalawang ektaryang lupang donasyon ng pamilya ni Senador Villanueva na ngayo’y kinalalagyan ng ospital at ng bagong municipal hall ng Bocaue.

Sinabi naman ni DOH Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega na pinili nilang magamit ang Joni Villanueva General Hospital habang may pandemya dahil 30 minuto lamang ang biyahe mula sa Metro Manila patungo rito, gayundin na 30 minuto rin ang biyahe mula rito papunta sa lungsod ng San Fernando sa Pampanga.

Kaugnay nito, umaasa si Vega na maipasa na sa Senado na maging ganap na Level 1 facility ang ospital matapos mabilis na maipasa sa Kamara upang patuloy na mapondohan ito ng ahensya sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program kung may kinakailangan pang idagdag. 

May inisyal na 14 health professionals and workers ang magpapatakbo ng ospital na papasahurin ng DOH.

Samantala, ibinalita ni National Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer at Bases Conversion and Development Authority President Vince Dizon na habang pinararami ang mga pasilidad para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 ay sasabayan naman ito ng pagsisimula ng pagbabakuna sa mga nasa A4 priority partikular na ang mga economic workers ngayong Hunyo. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews