Nagkakaroon na ng hugis ang magiging Balagtas station ng proyektong North-South Commuter Railway (NSCR).
Sa inspeksiyon ni Department of Transportation (DOTR) Secretary Arthur Tugade sa ibabaw ng Balagtas station, sinabi niyang ito ang kauna-unahang nakataas na istraktura o viaduct ng proyekto. Dito ang magiging platform o antayan ng mga pasahero at hintuan ng mga tren.
May habang mahigit sa isang kilometro ang naitatayo nang nakataas na istraktura na lalatagan ng riles ng tren. Bahagi ito ng kabuuang 38 kilometrong magiging salubungang riles sa rutang Malolos hanggang Tutuban sa ilalim ng NSCR Phase 1.
Ayon kay Engr. Abigail Verzosa, quantity surveyor manager ng Sumitomo Mitsui Corporation na kontratistang Hapon para sa proyekto, 22 spans o malalaking poste ang ibinaon dito upang maitayo ang nasabing nakataas na istraktura ng magiging Balagtas station.
Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng span-by-span method at balanced cantilever construction method na aniya’y kauna-unahang ding ginawa sa Pilipinas. Sa sistemang ito, naglagay ng launching gantry sa bawat span o pagitan ng mga poste upang magkabit ng mga precast concrete box girders.
Kapag nagkadikit-dikit o nabuo na ang nasabing mga precast concrete box girders, ito na ang mismong magiging platform o sahig na lalatagan ng riles. Bawat isang span o poste ay may agwat na 40 hanggang 50 metro.
Tinitiyak aniya na pulido ang paggawa nito upang matiyak din ang kaligtasan ng mga manggagawa. May bigat na 60 hanggang 70 tonelada ang bawat isang precast concrete box girder. Isa-isang binubuo ito sa construction yard ng NSCR Phase 1 Project na nakalagak sa Calumpit. Kapag nabuo na, ibinibiyahe ng truck patungo kung saan nakatakdang pagkabitan.
Binigyang diin pa ni Secretary Tugade na ang pagkakatayo ng mga nakataas nang mga istraktura ay patunay na tuluy-tuloy ang mga proyektong daang bakal sa ilalim ng Build-Build-Build Infrastructure Program ng administrasyong Duterte. Mas pinabilis pa ng DOTR ang pagbubuo ng mga precast concrete box girder na ikakabit sa ibabaw at pagitan ng mga poste mula sa Malolos hanggang sa Balagtas na bahagi ng NSCR Phase 1-Package 2.
Bilang patunay dito, ayon pa kay Verzosa, aabot sa 12 na hulmahan ang pinaggagawaan ng precast concrete box girders na kayang gumawa ng walong mga ganito sa kada araw.
Aabot na sa 1,367 na mga precast concrete girders ang nagagawa nila sa kabuuang 4,379 para sa NSCR Phase 1-Package 2. Iba pa rito ang sinisimulan nang hulmahan para sa NSCR Phase 1-Package 1 na ginagawa naman ng Taisei-DMCI Joint Venture para sa karugtong na ruta mula Bocaue hanggang Tutuban.
Natapos na ang pagpupundasyon sa itinatayong magiging istasyon ng NSCR sa Malolos at Guiguinto habang nakataas na ang istraktura ng magiging istasyon sa Balagtas. Sinisimulan na rin ang paglalagay ng bubong rito at makumpleto ang mga pader sa magiging istasyon.
Apat na launching gantries ang iginayak ng Sumitomo Mitsui Corporation upang makaya na sabay-sabay mag-angat at magkabit ng mga precast concrete girders sa pagitan ng mga poste. Dalawa ang inilagay sa Malolos habang tig-isa sa Guiguinto at Balagtas. Bawat isang launching gantries ay may habang 50 metro na akma sa pagitan ng mga poste.
Kaugnay nito, ayon kay DOTR Undersecretary for Railways Atty. Timothy John Batan, nasa kasagsagan ang pag-assemble sa Japan ng magiging 13 brandnew trainsets ng NSCR Phase 1. Nakatakda itong maideliver sa Pilipinas sa Disyembre 2021 at igagarahe itinatayong Depot sa hangganan ng Meycauayan at Valenzuela kung saan magsisimula ang partial operation. (SFV/PIA-3/BULACAN)