Tumatanggap ng aplikasyon ang Department of Trade and Industry o DTI Nueva Ecija para sa safety seal certification.
Ayon kay DTI Provincial Consumer Protection Division Chief Romeo Eusebio Faronilo, ang safety seal certification ay nationwide program ng pamahalaan na layong tumugon at masigurong nasusunod ang minimum public health protocol sa iba’t ibang establisimento o tanggapan.
Ang pagkakaroon aniya ng safety seal sa mga pamilihan o establisimento ay nangangahulugang magiging panatag ang mga kliyente na hindi makakakuha o mahahawa ng COVID-19 dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunang pangkalusugan.
Pahayag ni Faronilo, hindi biro at talagang mahigpit ang pagkuha ng safety seal certification na kinakailangang matiyak na pasado sa bawat panuntunan ang kada establisimento na mabibigyan ng safety seal dahil prayoridad rito ang kaligtasan ng mga kliyente at mamimili.
Kanyang binanggit ang ilan sa kanilang hinahanap o tinitignan sa araw ng inspeksyon gaya ang pagkakaroon ng triage o point of entry sa mga establisimento na dapat ay mayroong digital health declaration at temperature check bago makapasok ang bawat kliyente.
Mayroon din dapat na isolation area, hand sanitation area, mga physical barriers at signages na nagpapaalala sa pagsunod sa social distancing gayundin ay kinakailangan ang regular na pagsasagawa ng disinfection sa mga opisina at establisimento.
Bukod sa laging pagsusuot ng face mask at face shield ay kinakailangang may suot ding outer garment ang mga nasa salon o barber shop gayundin ay mahalaga ang pagkakaroon ng safety officer sa mga establisimento na mangangalaga at magtitiyak sa galaw ng mga tao at kung wasto ang pagsusuot ng face mask at face shield.
Paglilinaw ni Faronilo, hindi lamang DTI ang ahensyang nagagawad ng safety seal certification, kabilang din ang iba pang mga tanggapang kasama sa Joint Memorandum Circular No. 21-01 tulad ng Department of Labor and Employment o DOLE, Department of Tourism o DOT, Department of the Interior and Local Government o DILG, Philippine National Police o PNP at mga lokal na pamahalaan.
Sakop ng DTI ang mga grocery stores, supermarkets, member shopping clubs, convenience stores, construction supply o hardware stores, logistics service providers, barbershops, salons at service and repair shops.
Sa DOT naman magpapasa ng aplikasyon ang mga sakop ng primary tourism enterprises tulad ng mga hotel, resorts, apartment hotels, accredited accommodation establishments, travel and tour services, meeting conference venues o facilities at ang mga restaurant sa loob ng mga resort at hotel.
Ang mga manufacturing establishments naman at mga construction sites, utilities, information and communication companies at warehouses ay sakop ng DOLE.
Samantalang sa DILG o PNP naman dapat magpasa ng aplikasyon ang mga city hall, municipal hall, provincial capitol, iba pang pasilidad na sakop ng mga lokal na pamahalaan, fire stations, jails, barangay hall at iba pang pampublikong tanggapan.
Pananagutan naman ng mga lokal na pamahalaan ang paggawad ng safety seal certificate sa mga mall, wet markets, restaurants sa labas ng mga hotel o resort, fast food, eateries, coffeeshop, banks, money changers, pawnshops, remittance centers, gyms, spas, cinemas, arcades at iba pang pribadong establisimento.
Ayon pa kay Faronilo, voluntary at libre lamang ang pagkuha ng safety seal certification at hindi ito magiging dahilan upang ipasara ang alinmang establisimento.
Ang mga interesadong etablisimento na nais kumuha ng safety seal ay maaaring mag-log sa dti.gov.ph/safetyseal para makapagpasa ng aplikasyon na matatanggap ng DTI Central Office na ipapasa sa mga probinsiyang nakasasakop para makapagsagawa ng inspeksyon.
Ang bawat safety seal ay mayroong sariling code kung kaya’t hindi maaaring kopyahin at gamitin ng ibang establisimento.
Binanggit din ni Faronilo na sa 11 na mga unang establisimentong ininspeksyon ng DTI Nueva Ecija ay anim ang pumasa, naaprubahan at nabigyan ng safety seal certification gayunpaman ang mga na-disapprove ay maaaring mag-apply muli. (CLJD/CCN-PIA 3)