Inaasahang tuluy na tuloy na ang pagtatayo ng Medical Oxygen Plant sa lalawigan ng Bulacan makaraang maglaan ng P100 milyon ang provincial capitol para sa naturang proyekto ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando.
Ipinaliwanag ni Provincial Engineer Glenn Reyes, ang nasabing oxygen plant ay itatayo sa likurang bahagi ng Bulacan Medical Center (BMC) katabi ng bagong tayong gusali ng Bulacan Provincial Blood Center.Ayon kay Reyes, may laking 412.96 square meters ang itatayong planta na ididisenyo upang makagawa ng 424 cylinder o mga medical oxygen tanks kada araw.
Kaya naman nagtatawag na ang Provincial Engineering Office (PEO) ng mga kwalipikadong kontratista para lumahok sa gaganaping pagsusubasta ng proyekto ngayong third quarter ng 2021. Ang makukuha at maaprubahang kontratista ay siyang magsasagawa ng disenyo at magtatayo ng Medical Oxygen PlantBase sa isinagawang feasibility study, sinabi ni Engr. Randy Po ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), na taong 2019 pa binalak ng Kapitolyo na maitayo ang nasabing planta. Ngunit nabalam lalo na nang tumama ang pandemya ng COVID-19.
Nabatid na noong wala pang pandemya, nasa 120 cylinder lamang kada araw ang konsumo sa medical oxygen sa BMC.Ngayong nasa kasagsagan ng pandemya, ayon kay Dra. Hjordis Marushka B. Celis, hepe ng BMC, umaabot sa dalawang libong tangke o cylinder ng medical oxygen ang nakokonsumo sa kada araw sa nasabing ospital at sa Bulacan Infectious Control Center (BICC).
Bawat isang tangke ay nakokonsumo ng isang pasyente sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.
Sa kasalukuyan, mayroong 200 beds ang BMC na ngayo’y ekslusibo muna para sa mga pasyenteng may COVID-19.Posible pang umabot hanggang 4,000 cylinder oxygen tank ang makokonsumo daily dahil nakatakda pang madagdagan ng 100 beds ang nasabing pagamutan
Target ng PEO na matapos ang proyektong Medical Oxygen Plant sa unang bahagi ng 2022 na pangangasiwaan ng BMC ang magiging operasyon nito.Samantala, habang hinihintay na maitayo ang planta, humihiling si Gob. Fernando sa pamahalaang nasyonal ng isang libong tangke ng Medical Oxygen upang mapunan ang pangangailangan ngayong patuloy pa rin ang health crisis dulot ng pandemiya.