Tuloy-tuloy na ang banggaan ng dalawang mahuhusay na pulitiko sa lalawigan ng Bulacan makaraang kapwa tatakbo sa pinakamataas na posisyon sa kapitolyo ang dating magkasangga sa pulitika.
Ang premyadong aktor na si re-electionist Governor Daniel Fernando ay una nang nagpahayag na mananatiling gobernador ang tatakbuhin para sa nalalapit na 2022 national and local elections sa ilalim ng National Unity Party (NUP).
Ang dati nitong kasangga na si incumbent Vice Governor Willy Alvarado na unang termino pa lamang sa pagkabise-gobernador mula sa partido ng NUP ay nag-“ober de bakod” at napilitang umanib sa Partido Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at tatapatan si Gob. Fernando para sa gubernatorial race sa nasabing probinsiya.
Nitong Miyerkules ay pormal na naghain ng kanilang certificates of candidacy (COC)s sina Alvarado at ang makakasama nito sa PDP-Laban na si former governor Jonjon Mendoza para gobernador at bise-gobernador.
Kinatawan ni dating kongresista at asawa ni Alvarado na si Cong. Marivic Alvarado ang pag-file ng COC ng matandang Alvarado dahil ito ay kasalukuyang naka-home quarantine matapos magpositibo sa Covid-19.
Naghain din ng COC sa ilalim ng PDP si Congressman Jonathan Sy-Alvarado para sa Unang Distrito ng Bulacan kasama sina Board Member Mina Fermin at Allan Andan gayundin si Anjo Mendoza para naman sa 5th District.
Magugunita na sa kalahatian pa lamang sa unang termino ni Fernando bilang gobernador ay kinakitaan na ng unti-unting paglayo ni Alvarado sa matagal na panahong pinagsamahan ng dalawa bilang mag-partner sa paglilingkod sa kapitolyo.
Nabatid na makailang-ulit na sinubukan kausapin ni Fernando ang atat na atat makabalik sa dati nitong puwesto bilang gobernador na si Alvarado upang huwag silang magbanggaan sa darating na halalan pero hindi pa rin ito nagpa-awat.
Kasabay ng tuluyang pagtalikod ni Alvarado kay Fernando ay niyakap at tinanggap naman muli ng matandang pulitiko ang noo’y kinasuhan, tinuligsa at halos isuka ang matagal nitong katunggali na si former governor Jonjon Mendoza na magiging ka-tandem nito para bise-gobernador.
Ang sikat ding aktor sa telebisyon at pelikula na si Board Member Alex Castro ang makakalaban ni Mendoza bilang pangalawang punong lalawigan. Nakatakda naman maghain ng kanilang COCs sina Fernando-Castro sa Oktubre 7.
Ang tambalang Fernando-Castro ang tinaguriang “young bloods” versus Alvarado-Mendoza na tinagurian namang “thunders” dahil sa kanilang mahabang tahid sa larangan ng pulitika.
Sinasabing malaki ang advantage ng Fernando-Castro dahil sa bukod sa mga sikat na artista ay kapwa sila tinangkilik ng mga Bulakenyo sa mahabang panahon ng paglilingkod bilang mga serbisyo publiko, bentahe na rito ay ang mga millenials at mga bago at batang mga botante.
Ayon sa mga political analysts sa Bulacan, unti-unti nang nagsasawa ang mga botante sa mga matatanda nang pulitiko kung saan anila ay mga ‘trapo’ at matatamis lamang magsalita kapag malapit na ang eleksyon na kulang na kulang naman umano sa gawa.
Ayon pa sa source, nakuha ni Fernando ang mataas na rating o winnable advantage laban kay Alvarado dahil sa pinamalas nitong sipag at maayos na paglilingkod sa kaniyang unang termino.