Mainit ang naging pagsalubong ng mga Bulakenyong sumusuporta sa kandidatura ni presidential aspirant Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso makaraang bisitahin nito ang mga pampubliko at pribadong pamilihan bayan, industriya ng alahas at balat at mga homeowners association sa lalawigan ng Bulacan Biyernes ng umaga, Disyembre 3.
Sa kaniyang talumpati sa mga Bulakenyo, sinabi nito at ipinangako na sakaling papalarin maging pangulo ay isusukli niya ang “Mainam, Masinop at Mabisang” pamahalaan.
Unang bumaba sa Meycauayan Public Market si Yorme Isko at kinamusta ang mga vendors at consumers at inalam ang kalagayan ng mga ito kasabay ng paglalahad ng kaniyang mga plataporma para sa pagbabago.
Kasunod na pinuntahan ni Moreno kasama ang kaniyang running mate na si Doc Willie Ong, vice presidential aspirant kasama ang Aksyon Demokratiko senatorial slate ang Jewelry-Makers Association at Leather Tannery Association sa Trinitas College, Barangay Pantoc sa lungsod pa rin ng Meycauayan kung saan siya ay nakipagpulong sa mga ito upang alamin kung paano mapapalakas ang industriya ng alahas at balat.
Hindi rin magkamayaw ang mga tao sa Fortune Market sa bayan ng Marilao nang sorpresahin at kamustahin ng Partido Aksyon Demokratiko sa pangunguna ni Isko kung saan dinumog ang alkalde ng mga taong nais magpakuha ng larawan.
Bilang paggalang sa top local official ng Bulacan, nag-courtesy call si Moreno kay Governor Daniel Fernando at Bokal Alex Castro at iba pang provincial officials sa Official Residence ng gobernador sa Capitol Compound sa Lungsod ng Malolos.
Sa huling bahagi ng kaniyang pagbisita ay nagkaroon naman ng meet and greet si Moreno sa mga Bulacan homeowners association na ginanap sa Provincial Capitol Gymnasium.