Hinimok ng Commission on Elections o COMELEC ang mga rehistradong kabataang botante sa lalawigan ng Zambales na makiisa sa darating na 2022 National at Local Elections sa Mayo 9.
Sa katatapos na ikalawang leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan! voter’s education webinar, sinabi ni COMELEC Provincial Election Supervisor Lydia Florentino-Pangilinan na sa pagpili ng iboboto kailangan ay kilatisin itong mabuti at maging mapanuri sa kwalipikasyon ng isang kandidato.
Mahalaga rin na alamin at pag-aralan ang kanilang mga plataporma. Kasabay nito ay makilahok sa mga palitan ng opinyon at makialam sa mga usaping pang-bayan.
Ang isang boto aniya kapag pinagsama-sama ay isang malaking boses para sa sambayanan kung kaya’t payo niya sa mga kabataan ay huwag maging mababaw sa pagpili sa kandidatong ihahalal at gamitin ng maayos ang kanilang sagrado at nag-iisang boto.
Samantala, binigyang diin ni Zambales Police Provincial Office Deputy Provincial Director for Operations Police Lieutenant Colonel Gilbert Caole Diaz ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga kabataan sa pagpili ng susunod na Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senador, Partylist, Kongresista at mga lokal na opisyal.
Pinaalalahan din niya ang mga kabataan na huwag ipagbili ang kanilang boto kapalit ng maliit na halaga ng pera sapagkat ito ay may karampatang parusa.
Kaugnay nito, nanawagan si Diaz na tulungan ang kapulisan na gawing tahimik at matiwasay ang darating na eleksyon.
Ang ikalawang leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan! ay inorganisa ng Philippine Information Agency sa pakikipagtulungan sa COMELEC, Zambales Police Provincial Office at President Ramon Magsaysay State University.