PDAO-NE, hangad na madagdagan pa ang mabigyan ng assistive devices

LUNGSOD NG CABANATUAN — Tuloy-tuloy ang serbisyong ibinababa ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga Persons with Disability o PWD.

Ayon kay Nueva Ecija PWD Affairs Office o PDAO Chief Ariel Sta. Ana, nais ng Kapitolyo na maiparamdam ang malasakit, tuloy-tuloy na pagbabago at pag-unlad ng mga Nobo Esihano kasama na ang mga mamamayang may kapansanan.

Nagsusumikap aniya sila na tuloy-tuloy mapondohan at makapagbigay ng mga assistive devices tulad ng artificial leg, wheel chair, hearing aid at iba pang gamit na hinihiling ng mga PWD. 

Kamakailan lamang ay nasa 60 PWD ang sumailalim sa assessment na nakalinyang makatanggap ng kailangang hearing aid at artificial leg. 

Pahayag ni Nueva Ecija Association of Persons with Disability President Cecilia Berdijo, mahalaga ang mga ganitong programa para sa sektor lalo na sa mga higit na nangangailangan o walang kakayahang makabili ng mga katulad na kagamitan.

Sa pamamagitan aniya ng mga tatanggaping assistive device ay tiyak na makatutulong at makapagbibigay ng kaginhawahan sa pamumuhay at sa pagkilos sa araw-araw ng mga PWD.

Ang kanyang panawagan sa mga kapwa PWD ay huwag mawawalan ng pag-asa sa buhay bagkus ay magtiwala sa sarili at kakayahan upang maabot ang mga pangarap hindi lamang para sa sarili kundi para sa pamilya. 

Samantala, bukas ang tanggapan ng PDAO para sa mga kahilingan ng mga PWD gayundin ng mga senior citizen sa Nueva Ecija na ngangangailangan ng assistive device. 

Magdala lamang ng sulat kahilingan at ilang mga dokumento tulad ng certificate of indigency, medical certificate at ang PWD o Senior Citizen ID.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews