LUNGSOD NG MALOLOS — Naglaan ang North Luzon Expressway o NLEX Corporation ng 1.2 bilyong piso para sa pagpapabuti ng technology system nito para sa kaginhawahan ng mga motorista.
Kasama sa paglalaanan ng pondo ang pag-upgrade ng infrastructure, toll collection system at account management system
Ayon kay NLEX Corporation President at General Manager J. Luigi L. Bautista, mamumuhunan sila sa mga makabagong solusyon upang mas gawing mahusay ang proseso at komportable ang karanasan ng mga motorista partikular sa proseso sa transaction lane.
Anya ang mga gumagamit ng radio frequency identification o RFID, na bumubuo ng 70 porsyento ng mga motorista sa expressway, ay makakaasa ng mas mabilis na pag-record ng mga passage, balanse, at pag-reload pati na rin ang mas madaling pagsubaybay sa mga indibidwal at corporate account.
Magpapalit din sila ng toll system equipment gayundin ang may halos 100 toll system equipment sa kahabaan ng expressway ay i upgrade tulad ng mga toll fare indicators, lane status indicators, traffic control gates, automatic vehicle classification devices at loop detectors.
Sakop ng proyekto ang mga toll plaza sa Balintawak, Karuhatan, Paso de Blas sa Valenzuela; Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Tabang, Sta. Rita, Pulilan lahat nasasakop ng Bulacan at San Simon, San Fernando, Mexico, at Angeles sa Pampanga.
Dagdag pa ni Bautista, mula ng nakaraang taon, nilagyan na nila ng mga bagong technology devices ang mga toll lanes na nagresulta ng mas mabuting RFID transactions mula reloading hanggang sa pag check ng balanse matapos dumaan sa mga toll lanes.
Kaya naman sa pagdating ng mga bagong bagong kagamitan ay inaasahang makapagbibigay ito ng mas mahusay na operasyon ng kumpanya at magbibigay-daan sa mas mabilis at tamang mga transaksyon at maginhawang byahe sa mga motorista.