Malolos mayor-elect nanumpa sa kaniyang katunggali

Pinatunayan ni Malolos City mayor-elect Christian Natividad na ang eleksyon ay isang araw lamang nang ito ay mag-desisyon na sa kaniyang katunggali manumpa bilang halal na opisyal at kalimutan kung ano man ang nakaraan para sa interes ng pamayanan.

Nitong Huwebes (Hunyo 30) ay nanumpa si Natividad kay outgoing Mayor Bebong Gatchalian sa harap ng city hall ng Malolos at mga kawani rito at mga taga-suporta sa ginanap na otah-taking ceremony kasama ang iba pang halal na opisyal sa nasabing lungsod.

Ayon kay Natividad, ang nagdaang halalan ay puno ng sugat at hapdi at mga kaganapang hindi inaasahan kaya panawagan nito sa mga bagong pinunog manunungkulan na simulan ang paglilingkod ng araw ng paghilom para sa bagong liwanag ng pag-asa.

“Ang mga sugat huwag natin gawing pangmatagalan, tumulong tayo sa paghilom at gamutin ito ng pagmamahalan. Alisin natin ang nagpapabigat at nagpapabagal ng ating galaw tungo sa pag-unlad ng Lungsod ng Malolos,” ani Natividad.

Aniya, sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw sa pulitika na naghati sa dating magkakasama sa pamamaraan ng paglilingkod sa bayan ay hindi naantig ng kahit maliit na kapiraso ng pagbabago ng pagmamahalan ng magkakaibigan.

Si Natividad at Gatchalian ay dating magkasama sa loob ng 9 na taong paglilingkod bilang punong lungsod at ikalawang punong lungsod at nang magtagpong muli ay kapwa magkatunggali sa nakaraang 2022 elections.

Pinuri at pinasalamatan ni Natividad si Gatchalian sa nai-ambag nitong pag-alay ng sarili, pamilya at panahon sa ngalan ng katapatan sa paglilingkod sa mamamayan ng Malolos partikular na sa panahon ng pandemiya.

Ang bansa aniya ay nahaharap sa mga kalaban ng pamayanan tulad ng pagtaas ng presyo ng langis at ibang mga produkto, at ang pandemiya na ilang taon nag hindi pa rin nawawala na siyang sumisiil sa kalayaan na ipinamana ng mga ninuno.

“Ang mga bagong pinuno ng gobyerno ang simula ng bagong galaw ng pamahalaan ng Malolos para sa dagliang tugon sa pangangailangan ng taumbayan. Ang gobyerno ang mag-aadjust sa tao at hindi ang tao ang mag-aadjust sa gobyerno,” ayon kay Natividad.

Itutuloy umano ng bagong administrasyon ang legasiya ni Mayor Gatchalian, legasiya ng mga dating alkalde na sina Mayor Resty Roque at Mayor Danny Domingo at ng kaniyang nasimulang programa sa nakaraan niyang panunungkulan taong 2010-2019 upang kilalanin ang magaganda at mabubuting bagay kung ano ngayon ang Malolos dahil aniya sa mga taong ito na kasamang nangarap na gawing kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang nasabing lungsod.

Ipinangako nito ang isang administrasyon na result oriented and demand driven type of governance at ibabalik ang proper consultations and participative governance upang maramdaman na ang gobyerno ay naririto at kasama ng bawat isang Malolenyo.

“We are a 3rd class and young component city, we will striving to get the 1st class component city classification para sa Lungsod ng Malolos,” pagtatapos ni Natividad.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews