Paggamit ng PRRP-3, inirekomenda ng SSS sa Delinquent Employers sa San Jose Del Monte

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – Iniaalok ng Social Security System (SSS)- San Jose Del Monte branch sa mga employers na hindi nakakapaghulog nang regular ang paggamit sa Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP-3.

Ito ang isa sa mga condonation programs ng SSS upang mabigyan ng pagkakaataon ang mga delinquent employers, makapagbayad ng lahat ng mga hindi naihulog na kontribusyon para sa kanilang mga empleyado. Kalakip sa paghuhulog ang mga penalties at interes hanggang Nobyembre 22, 2022.

Iyan ang naging sentro ng ginawang R.A.C.E. campaign sa unang anim na delinquent employers sa San Jose Del Monte City sa muling pinaigting bilang Run After Contribution Evaders o R.A.C.E.

Ayon kay Winda G. Agustin, branch manager ng SSS-San Jose Del Monte, may inisyal na halagang P8.4 milyon ang target na makolekta sa nasabing mga employers sa pamamagitan nitong PRRP 3.

Ang nasabing halaga ay bahagi ng nasa P56 milyon na dapat pang makolekta mula sa 1,433 na mga delinquent employers. Aabot naman sa 1,114 na mga employers ang regular na naghuhulog ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado na nakabase sa San Jose Del Monte City.

Binigyang diin naman ni Gloria Corazon Andrada, Vice President for Luzon Central 2 Division ng SSS, na pangunahing layunin ng kampanyang R.A.C.E. at ng PRRP 3 na mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga karaniwang manggagawa sa pribadong sektor.

Bahagi ito ng pagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa at gayundin ang mapangalagaan ang hanapbuhay ng mga employers.

Samantala, nagbabala si Atty. Maria Lourdes Barbado-Hipe, acting head ng Operations Legal Extension Office ng SSS, na non-probation o hindi makakapagpiyansa ang mga employers na mapapatunayang lumabag sa mga patakaran ng SSS.

Aabot din ng halagang P72 libo ang bond kapag pormal nang gumulong ang proseso ng kaso sa korte. Kaya’t mas mabuti aniyang bayaran na lamang ng mga delinquent employers ang mga obligasyon kaysa masampahan ng kaso na mas malaki ang magagastos sa paglilitis. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews