Tampok sa pagdiriwang ng 44th National Disability Prevention and Rehabilitation Week ang pagtalakay sa mga programa ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan sa Nueva Ecija.
Ayon kay Nueva Ecija Provincial Persons with Disability Affairs Office o PDAO Chief Ariel Sta. Ana, mahalagang malaman ng mga may kapansanan ang mga programang isinusulong ng mga kagawaran ng pamahalaan na makatutulong sa kanilang pamumuhay partikular sa pangkalusugan, edukasyon at pagkakaroon ng pagkakakitaan.
Gayundin sa pamamagitan ng aktibidad ay naipaalala ang mga karapatan at pribilehiyo na dapat ay natatamasa ng mga may kapansanan sa lalawigan.
Ibinahagi rito ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth Cabanatuan at Gapan Branch na sa pamamagitan ng direktang koordinasyon sa mga PDAO sa Nueva Ecija ay natutulungang mapadali ang pagpaparehistro at pagpoproseso ng mga kailangang serbisyo ng mga PWD mula sa ahensiya.
Sinabi ni PhilHealth Gapan Branch Head Angelito Creencia, hindi na kailangang magtungo ng PWD sa mismong opisina ng PhilHealth dahil ang mga nakatalagang PDAO sa bawat lokal na pamahalaan ang nagsisilbing registration center o tumanggap ng aplikasyon mula sa sektor.
Sa pamamagitan nito aniya ay naiibsan ang mga gastusin at panahon sa pagtungo ng mga PWD sa opisina ng PhilHealth.
Handa namang tumugon ang PhilHealth sa mga paanyaya ng samahan ng mga PWD sa iba’t ibang panig ng lalawigan upang maipaliwanag at maipaunawa ng lubos ang mga serbisyong inihahatid ng kagawaran.
Tinalakay din ni Trade Industry Development Specialist Gesyl Dacanay mula sa Department of Trade and Industry ang pamamahagi ng livelihood starter kit at mga libreng kasanayan para sa mga nagnanais magsimula ng negosyo.
Aniya, nakahandang umagapay ang ahensiya partikular ang mga business counselors sa mga Negosyo Center na matatagpuan sa mga munisipyo at siyudad sa Nueva Ecija.
Binanggit din ni Labor and Employment Officer III Ester De Lara ng Department of Labor and Employment na sa pamamagitan ng mga Public Employment Service Office sa mga lokal na pamahalaan ay naibababa ang mga serbisyo ng ahensiya sa paghahanap ng trabaho, pagbibigay ng mga kasanayan at iba pa.
Binigyang kasagutan din ni Engineer Ferdinand Ramiterre mula sa Nueva Ecija 2nd District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways ang mga tanong ng mga PWD hinggil sa mga gampanin ng ahensiya partikular sa pagtitiyak ng implementasyon ng Accessibility Law.
Maliban sa talakayan ay tampok din sa pagdiriwang ang pamamahagi ng food packs, COVID-19 vaccination at medical mission na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan. (CLJD/CCN-PIA 3)