Quarry at mining operation sa Bulacan balik ulit

Pansamantalang ipinagpaliban ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pagpapatupad ng kaniyang inilabas na Executive Order No. 21 na nagsususpindi sa operasyon ng pagmimina at quarry sa lalawigan ng Bulacan.

Nitong Huwebes (Oktubre 20, 2022) ay pinulong muli ng gobernador ang mining sector na nasa 350 operators mula sa trucking/ haulers company, processing plants tulad ng crushing/ pulverizing/ cement/ blasting companies, bentonite/ boulders operators sa buong lalawigan na ginanap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Lungsod ng Malolos.

Dito ay ipinahayag ni Fernando ang temporarily lifting ng EO 21-Series 2022 kasabay ng pagpapalabas ng binalangkas na Implementing Rules and Regulations (IRR) na nakabase sa environmental code na siyang dapat tupdin ng concerned sectors.

“I temporarily lifting the suspension of EO 21 for you to resume your operations starting October 26 this year,” wika ni Fernando.

Magugunita nitong nakaraang Agosto 24, 2022 ay inilabas ang EO 21 na nagsasaad ng pansamantalang pagsuspinde sa lahat ng permit sa pagmimina, quarrying, dredging, desilting at iba pang uri ng mineral extractive operations sa loob ng Bulacan.

Ang nasabing pagtitipon ay pinangunahan ng Bulacan Environmental and Natural Resources Office (BENRO) kung saan tinalakay ni Fernando ang nilalaman ng Executive Order at IRR guidelines bilang tugon sa pagkasira ng kalikasan na nagdulot ng pagbubuwis ng buhay gaya ng limang Bulacan rescuers kamakailan, pagkasira ng mga kalsada dulot ng overloading ng mga sasakyang pang-transportasyon gayundin ang labis na volume ng mga land minerals at iba pang mga commodities na ikinakarga sa mga modified truck loader.

Ayon kay Atty. Juvic Degala, hepe ng BENRO, ilan sa mga nilalaman ng IRR guidelines ay ang pagbabawal ng mga modified trucks at excess volume na laman nito.

Mahigpit na tagubilin sa pag-apply ng mga permit to operate para sa tamang pagbabayad ng buwis.

Ipinagbabawal rin dito ang “Kabit System” o umbrella operation sa mga operators kung saan dapat ay magbayad sila ng permit sa provincial government individually.

Kung hindi makatutupad o lalabag sa bagong IRR guidelines ay maaari silang bawian ng permit o total ban ng kanilang permit.

“Tulungan nyo ko sa kampanyang ito, I want your cooperation in this matter. I need your help, nakikiusap po ako sa inyo. panahon na para kumilos, dapat tayo mag-isip dahil all of us are involve in this fight to sustain and taking care of our environment,” ayon kay Fernando.

Nagbabala rin ang gobernador sa mga tauhan ng provincial government partikular na sa BENRO ang pagbabawal ng pagkokotong sa mga miner operators.

“Isumbong nyo sakin, puntahan nyo ako sa aking opisina kung kayo ay kinokotongan,” ayon pa kay Fernando patungkol sa mga minero.

Ayon kay Atty. Degala, ang suspensyon ng EO 21 ay may mga kaakibat na polisiya sa pagpapatupad ng IRR guidelines kung saan ipaiiral dito ang “one strike policy” para sa mga mayroon nang permit kung saan kakanselahin o perpetual disqualification ng kanilang permit habang ang “three strike policies” naman ay ang pag-resume muli o implementasyon ulit ng EO 21.

Inatasan na rin ni Fernando si Degala na higpitan ang surveillance at checkpoints sa lahat ng pangunahing lugar kung saan dumadaan ang mga truck load.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews