Pamamahagi ng balikbayan boxes, nagkaroon na tensiyon sa Bulacan

Bahagyang nagkaroon ng tensyon sa pamamahagi ng mga abandonadong Balikbayan boxes na ipinatutupad ng Fr Agbay Enterprises makaraang ipahinto ng  Bureau of Customs (BOC) ang pag-release nito sa isang warehouse sa Balagtas, Bulacan nitong Sabado.

Nabatid na umabot sa 292 mga recipients ng bagahe na pawang mga kaanak ng mga nagpadalang Overseas Filipino Workers (OFW) ang dumagsa sa FR Agbay Enterprises na matatagpuan sa Hobart Warehouse Compound kung saan nakalagak ang nasa mahigit 3,000 balikbayan boxes na nakatakdang i-release tuwing araw ng Sabado.

Maaga pa lang ay dagsa na ang daan-daang mga claimants ng balikbayan boxes ang umaasang makukuha ang kanilang bagahe nang magtungo ang mga ito sa tanggapan sa bodega na matatagpuan sa Barangay Borol 1st Balagtas, Bulacan upang makuha ang mga padalang balik-bayan boxes.

Bandang alas-8:00 ng umaga ay inanunsyo ni Robert Uy,  presidente ng FR Agbay Enterprises na ipinatitigil ng BOC ang isasagawa sanang pag-release makaraang makatanggap ng memorandum na iniuutos ang pagpapahinto ng releasing activity.

Nagpahayag ng pagkadismaya at nagalit ang mga tao dahil sa karamihan ay umarkela pa ng sasakyan at nagmula sa malalayong lalawigan gaya ng Ilocos, Cagayan, Ilo-ilo, Eastern Samar, Laguna at iba pang mga probinsiya.

Ayon kay Uy, na siya ring kinatawan ng Association of Bidders of the Bureau Of Customs, maayos ang kanilang sistema ng pag-release ng mga balikbayan boxes at hindi sila naniningil kahit magkano.

Ayon sa tumatayong abogado na si Atty. Jervis Corpuz ng Association of Bidders of the Bureau Of Customs, wala silang nakikitang basehan ng BOC kung bakit ipanatitigil ang pag-release ng mga bagahe at ipauubaya na lang sa Door-To-Door Cargo Association of the Philippines (DDCAP) para siyang mamahala ng delivery.

Nagbanta umano ang mga claimants na hindi sila papayag na hindi nila makukuha o maiuuwi ang mga inaasahang balikbayan boxes dahil sa karamihan sa mga ito ay Biyernes pa ng gabi nag-aabang at ang iba naman ay madaling-araw ng Sabado dumating.

Mahumalay na kinausap ni Uy at ng mga kasamahan nitong mga  co-bidders ang mga tao upang hindi na humantong sa gulo kasabay ng pagpapaliwanag na hindi nila kagustuhan ang nangyari.

Dahil dito, agad na umaksyon si Dir. Michael Fermin ng Internal Administration Office/ Trade Information Risk Analysis ng BOC kaugnay ng nagaganap na tensyon kung saan agad nitong tinawagan si Uy at pinayagan ito na ibigay na ang mga bagahe sa mga taong dumating para maiwasan ang namumuong tensyon.

“Ayaw natin lumala pa ang sitwasyon kaya pinayagan na natin na i-release ang mga boxes sa mga claimants na dumating na sa warehouse, after nito ay stop na ang releasing,” wika ni Dir. Fermin.

Napag-alaman na ang mga naturang balik-bayan boxes ay idineklara ng BOC bilang mga abandoned goods dahil sa mahigit 7 buwan at unclaimed o lapse na sa palugit na tagal ng pagkakaimbak.

Pagkaraan nito ay isinailalim ito sa public auction kung saan ang Agbay Enterprises ang nanalong bidder at ire-release ang mga ito “for pick-up”.

Ayon kay Fermin, pinahinto nila ang for pick up system dahil nais nila na makarating ang mga balikbayan boxes sa pamamagitan ng door-to-door delivery upang dumating ang mga bagahe sa tamang due date o bago magpasko.

Ang door-to-door delivery ay gagampanan ng Door to Door Consolidator Association of the Philippines (DDCAP) na awtorisado ng BOC.

Base sa nakapaloob na kasunduan, sina Uy ang siyang righteous bidder para magpamahagi ng mga naturang bagahe at ito ay libreng ibabalik sa mga consignees o may-ari kaya naman bakit pa anila kailangan ipasa sa DDCAP ang pag-release nito. 

Ayon kay Uy, sa loob ng dalawang linggo tuwing Sabado ay nakapag-release na ang FR Agbay Enterprises ng nasa 900 boxes sa mga consignees.

Laking pasasalamat naman ni Liezel Macabebe, balikbayan OFW na nanggaling pa ng Ilo-Ilo dahil pinayagan sila ni Dir. Fermin para makuha ang kaniyang pinadalang bagahe na nagkakahalaga ng P150,000.

Ayon pa kay Fermin base sa derektiba ni BOC Commissioner Yogi Felimon Ruiz, ang mga consignees na manggagaling sa NCR ay dapat mai-deliver ang balikbayan boxes sa loob ng isang linggo, two weeks kung sa Luzon at 2 to 4 weeks kung mula Visayas at Mindanao.

Nais ni Ruiz na matanggap ng mga rightful owners ang mga naturang package ngayong holiday season.

Panawagan ni Fermin, sa mga susunod na linggo ay wala nang magaganap na pick-up scheme sa mga bagahe at ito ay ide-deliver na lamang sa kanilang mga address via door to door scheme.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews