Tanglaw ng Pag-asa Rehab Center pinasinayaan sa Bulacan

Upang gabayan ang mga children in conflict with the law (CICL) tungo sa mas magandang kinabukasan, pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando kasama ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang bagong Tanglaw ng Pag-asa Youth Rehabilitation Center (TPYRC) sa Brgy. Bulihan sa lungsod na ito kamakailan.

Ayon kay PSWDO head Rowena Tiongson, binubuo ang bagong rehabilitation center ng mga bago at mas maayos na pasilidad kabilang ang sampung dormitoryo, library, clinic, prayer room, isolation room, activity area/mess hall, basketball court, palikuran, at laundry area na kayang magpatuloy ng hindi hihigit sa 200 indibidwal na may edad 15 hanggang 18.

Ayon sa pinuno ng TPYRC Jay Mark P. Chico, nakatuon ang mga programa na ipinatutupad sa loob ng center sa pagkamit ng treatment goals para sa mga indibidwal na kabataan at buong grupo sa kabuuan upang matulungan silang bumuo ng socially constructive at produktibong pag-uugali, kaya naman ang kasalukuyang bilang ng mga kabataang nananatili sa rehabilitation center ay bumaba sa 55 kumpara noong taong 2018 na may 150 CICL dahil sa pinagsamang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan at PSWDO.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni  Fernando na patuloy na magsisikap ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng psychosocial at therapeutic programs sa mga minor-aged law offender o mga CICL para sila ay maging kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.

“Sa loob ng mga nagdaang taon, pinatunayan ng Tanglaw Pag-asa ang pagbibigay proteksyon, paggabay at pag-aaruga at ‘di matatawarang dedikasyon upang hubugin ang mga kabataang nasa pasilidad na ito na maging produktibong miyembro ng ating pamayanan at lipunan. Patuloy rin po tayong nakatutok sa pagpapatibay ng mga psychosocial at therapeutic programs maging sa paghahatid ng mga livelihood training at alternative learning system (ALS) para sa ating mga CICL”, anang gobernador.

Habang nasa ilalim ng pangangalaga ng TPYRC, binibigyan ng access ang mga CICL sa lahat ng kinakailangang serbisyo kabilang ang edukasyon; moral na pag-unlad; legal na tulong; serbisyong pangkalusugan; mga serbisyong sikolohikal; mga serbisyo sa nutrisyon; espirituwal at moral na serbisyo; programang pangkabuhayan; livelihood services; at pagbibigay ng mga damit at personal na mga gamit na makatutulong sa kanila na mag-adjust sa muli nilang pagbalik sa kanilang mga komunidad.

Ang Tanglaw ng Pag-asa Youth Rehabilitation Center ay pinamamahalaan at pinopondohan ng Pamahalaang Panlalawigan at pinapangasiwaan ng PSWDO alinsunod sa Republic Act No. 9344 na sinususugan ng Republic Act No. 10630, kung saan sa buong rehiyon, tanging ang Lalawigan ng Bulacan lamang ang may ganitong uri ng pasilidad para sa mga CICL.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews