Bamboo Industry, patuloy na isinusulong sa Nueva Ecija

Patuloy na isinusulong ang industriya ng pagkakawayan sa lalawigan ng Nueva Ecija. 

Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Provincial Director Richard Simangan, marami pang aabangang development sa nabanggit na industriya kabilang na ang hangad na mapataas ang kamalayan ng mga mamamayan patungkol sa lokal na produksyon nito.  

Kamakailan ay magkasamang nagpulong ang Micro Small and Medium Enterprise Development Council o MSMEDC at Bamboo Industry Development Council o BIDC sa Nueva Ecija upang malaman ang nagawa ng mga programa gayundin ang mga isusulong pang proyekto na maaaring pagtulungan para sa industriya.

Hangad din ng pagpupulong na mapalawig pa ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong tanggapan tungo sa pagpapaunlad ng maraming industriya sa lalawigan na kinabibilangan ng pagkakawayan.

Sa bahagi ng DTI ay patuloy ang kanilang pagsubaybay sa mga kooperatiba partikular sa mga kailangan sa produksyon, pagbibigay kasanayan at paghanap ng merkado. 

Kilala na sa bamboo industry ang Bambuhay mula sa bayan ng Carranglan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa gayundin ang grupo ng mga kababaihan sa bayan ng General Tinio na Papaya Kababaihan Sinag Tala o PAKASITA na ngayon ay katuwang na ng DTI sa pagbibigay ng mga kasanayan sa mga nagsisimula pa lamang sa negosyo. 

Kabilang sa mga bayang kilala na sa industriyang pagkakawayan ang Bongabon, Carranglan, Gabaldon, General Tinio at Llanera. 

Hangad din ng NESMEDC at NEBIDC na makahikayat pa ng mga tanggapan o organisasyon na makatutulong sa pagbibigay oportunidad sa mga magkakawayan gayundin ay matukoy ang mga bamboo producers o cooperators sa buong lalawigan upang matulungang mailapit at mahanapan ng merkado. (CLJD/CCN-PIA 3) 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews