Binigyan ng pagkilala ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pagkakamit nito ng Highest Rating – Level 3 sa 2022 Service Delivery Capacity and Competency Assessment o SDCCA.
Tinanggap nI Provincial Social Welfare and Development Office Chief Rowena Tiongson ang parangal sa isang seremonya na bahagi ng ika-72 anibersaryo ng ahensya.
Ayon kay Tiongson, ang SDCCA ay sumusukat sa pagbibigay ng serbisyo ng bawat lokal na pamahalaan batay sa tatlong pamantayan: administration at organization, program management at institutional mechanism.
Ito ay bahagi ng Technical Assistance and Resource Augmentation ng DSWD para sa mga Local Social Welfare and Development Offices.
Samantala, kinilala rin ang pamahalaang bayan ng Pandi matapos itong makapagbigay ng 12 beses ng ayuda sa may 42,000 residente nito noong panahon ng pandemya ng COVID-19.
Sa isang mensahe, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na sa natamong parangal ay mas pagbubutihin pa ng pamahalaang panlalawigan ang implementasyon ng mga programa sa serbisyong panlipunan na naaabot ang bawat komunidad upang matiyak na natatangap ang serbisyong nakalaan para sa kanila.
Pinasalamatan din ng punong lalawigan ang mga kawani at volunteer workers na katuwang sa paghahatid ng mas mataas na antas ng paglilingkod sa mga Bulakenyo.