Healthcare Mission, isinagawa sa Sta. Cruz

IBA, Zambales — May 1,800 indibidwal ang nakinabang sa isinagawang healthcare mission sa bayan ng Sta Cruz sa Zambales.

Ang dalawang araw na aktibidad ay pinangunahan ng MJB Cares Foundation Incorporated sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lokal at mga kasundaluhan. 

Ayon kay 3rd Mechanized Infantry Battalion Commander Lieutenant Colonel Jeszer Bautista, kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang libreng medikal at dental na konsultasyon, libreng gamot at bitamina, eye and blood check at libreng tuli at gupit. 

Binigyang diin ni Bautista ng kahalagahan ng pagtutulungan hindi lamang ng pamahalaan at kasundaluhan kundi maging ang mga Non-Governmental Organizations o NGOs na walang sawang tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pagbabayanihan ay maraming mga kababayang natutulungan nito.

Bukod pa rito ay napakahalaga rin aniya ito sa kampanya upang tapusin ang kasinungalingan at panlilinlang ng mga terorista sa mga kababayan at tuldukan ang local communist armed conflict sa nasasakupan.

Tiniyak rin ni Bautista na hindi titigil at hindi magsasawa ang kasundaluhan na makipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at sa mga NGOs upang matugunan ang pangangailangan ng mga kababayan kahit sa malalayong lugar.

Samantala, ipinahagayag naman ni MJB Cares Foundation Incorporated Founder Ginang Mary Joy Bustamante ang kanyang pasasalamat sa mga kasundaluhan na nanguna at naging katuwang upang maidaos ang nasabing aktibidad.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews