Trailer truck sumalpok sa AUV, 5 patay, 1 sugatan 

Patay ang lima katao habang sugatan ang isa pa nang salpukin ng isang tractor trailer truck ang sinasakyan nitong AUV sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Malipampang, San Ildefonso, Bulacan noong Martes ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisiya ang mga biktima na pawang mga sakay ng AUV Toyota Innova kabilang na ang driver na si Nelson Magundayao, residente ng B17 L3 C De Amor St. Pembo FT Boni, Makati City; mga pasahero nitong sina Arlene Sipcon,  Crispin Garcia Jr,  Crisanto Garcia, at Christopher Lachica, pawang ng Makati City habang nakaligtas naman si Jansen Grengia, 34 years old, single, residente ng 102 blk 3 Kalye Pogi, Makati City.

Naganap ang malagim na aksidente bandang alas-2:30AM na kung saan ang Sinotruk heavy tractor trailer truck na kulay puti at may color plate no. ABF4035 na naglalaman ng 20 toneladang animal feeds na minamaneho ni Aurelio Bartequil, 59, residente ng Longos, Malabon City ay biglang nawalan ng kontrol na nagsanhi ng pagsalpok sa kasalubong na AUV na Toyota Innova, kulay pula na may plate number NEP5492 sakay ang mga biktima.

Base sa nakalap na CCTV footage ng San Ildefonso Police, iniwasan umano ng nasabing killer truck ang isa pang truck kayat napilitan itong kumabig sa kabilang linya kung saan ay paparating naman ang AUV ng mga biktima.

Dahil sa bigat ng karga ng truck ay hindi na nito na kaya pang umiwas sa kasalubong na AUV kaya sumalpok ito hanggang sa tangayin at tumama pa sa poste.

Sa lakas ng impact ay nagkalasog-lasog at tila parang napiping lata ang AUV na siyang ikinasawi ng mga naipit na sakay nito.

Bandang alas-6:30 ng umaga nang mailabas ang mga bangkay ng biktima habang himalang nakaligtas ang isa sa sakay nito na ngayon ay nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Dinala naman ang mga bangkay ng mga biktima sa Gomez Funeral Homes sa Brgy. Sapang Putol, San Ildefonso, Bulacan at sa St. Peter Life Plan, Chapels sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan. 

Nahaharap naman sa patong-patong na kaso ang driver na sumuko na ngayon ay nasa kustodiya ng nasabing police station.

Ang kalanuslanos na sinapit ng AUV Toyota Innova matapos salpukin ng kasalubong na tractor trailer truck na ikinamatay ng lima nitong sakay kabilang ang driver sa kahabaan ng Maharlika Highway sakop ng Barangay Malipangpang, San Ildefonso, Bulacan Martes ng madaling-araw.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews