IBA, Zambales — May apat na Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO) sa Zambales ang tumanggap ng mga kagamitang pambukid mula sa Department of Agrarian Reform.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang Bancal Mayanan Farmers Association Inc. at Botolan Muna Farmers Multipurpose Cooperative mula sa bayan ng Botolan, Tumutugol Irrigators Association mula sa bayan ng Masinloc, at San Esteban Farmers Association Inc. mula sa bayan ng San Antonio.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Emmanuel Aguinaldo, ang pamamahagi ng mga kagamitang pambukid ay sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program-Sustainable Livelihood Development Support for Disaster Affected Areas.
Ang programang ito ay naglalayong magbigay ng agricultural extension services at livelihood support sa mga ARBO upang magkaroon ng karagdagang kita at katatagan sa gitna ng nagbabagong panahon.
Tatlong ARBO ang tumanggap ng tig- isang yunit na hand tractor na may kasamang rotavator at tool, at iba pang aksesorya nito tulad ng generator, four stroke grass-cutter, power sprayer, steel chainsaw at water pump diesel.
Samantala, tumanggap naman ng four-wheel drive tractor with rotavator ang Bancal Mayanan Farmers Association Inc. sa ilalim naman ng Major Crop Based Block Farm Productivity Enhancement.
Maliban dito, nagbigay din ang ahensya ng pagsasanay na higit na makakatulong na mapataas ang kita sa pagsasaka ng mga benepisyaryo. (CLJD/RGP PIA 3)
P