Paglalatag ng riles sa nakumpletong NSCR Viaduct sa Malolos-Valenzuela masisimulan na

Handa nang malatagan ng mga riles ng tren at iba pang electro-mechanical provision ang nakumpleto nang viaduct ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project Phase 1 mula sa lungsod ng Malolos sa Bulacan hanggang sa lungsod ng Valenzuela. 

Naikalso na ang mga fabricated girders para sa huling span o pagitan ng mga poste para mabuo ang viaduct ng North-South Commuter Railway mula Malolos hanggang Valenzuela. (Embassy of Japan to the Philippines)

Ito ang unang bahagi ng NSCR na nakumpleto na may habang 28.02 kilometro. 

Nabuo ito nang maikalso ang mga fabricated girders sa huling span o pagitan ng mga poste sa bahagi ng Bocaue, Bulacan.

Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista, na nanguna sa seremonya ng pagkakalso, na ngayong nakumpleto na ang bahaging ito ng NSCR Viaduct ay kailangang maging handa ang mga kontratista para sa paglalatag ng riles, kuryente at iba pang aparato na kailangan upang mapaandar ito. 

Ipinahayag ng kalihim na bukod sa pagkukumpleto ng viaduct sa bahaging ito ng Bulacan, pormal din aniyang naikabit ang Contract Package (CP) 1 at CP 2 ng NSCR Phase 1. 

Ang CP 1 ay mula sa Tutuban hanggang sa Bocaue habang mula sa katabing bayan ng Balagtas hanggang Malolos ang CP 2.

Taong 2018 nang pasimulan ng Department of Transportation (DOTr) ang pre-construction works sa bahagi ng Marilao habang napasimulan sa sumunod na taon ng 2019 ang aktuwal na pagbabaon ng mga pundasyon at pagtatayo ng mga poste sa bandang Malolos.

Bagama’t bahagyang nabalam noong Marso 2020 dahil sa pandemya ng COVID-19, agad namang itinuloy ang proyekto noong Nobyembre 2020 nang pasimulan ang pagkakalso ng mga fabricated girders para mabuo ang viaduct.

Ang viaduct ay ikinakalso sa mga pagitan ng mga poste kung saan ilalatag sa ibabaw nito ang riles na dadaanan ng tren na bibiyahe mula sa Clark International Airport sa Pampanga hanggang sa Calamba, Laguna.

Binigyang diin ni Bautista na iisa ang sistema ng NSCR mula sa magkabilang dulo na kayang makapagsakay ng nasa 800 libong mga pasahero araw-araw. 

Ibig sabihin, ang tren na magmumula sa Clark International Airport ay derechong bibiyahe hanggang sa Calamba. 

May 58 na train sets na gawa sa Japan ang bibiyahe sa kabuuan ng NSCR System. 

Nasa dalawang train sets nito ang nai-deliver sa depot o garahe sa hangganan ng Meycauayan at Valenzuela. 

Bawat isang train sets ay mayroong walong magkakadugtong na bagon ng tren. 

Sa loob ng bilang na ito, 51 train sets ang commuter trains o hihinto sa bawat istasyon sa Clark Freeport Zone sa bahagi ng Angeles, San Fernando, Apalit, Calumpit, Malolos, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Meycauayan, Valenzuela, Caloocan, Solis at Tutuban. 

Gayundin sa bawat mga istasyon mula sa Blumentritt at mga dadaanan papuntang Calamba.

Pitong train sets naman na walo rin ang magkakadugtong na mga bagon ang magsisilbing express trains. 

Hihinto lamang ito sa Clark International Airport, Malolos, Tutuban, Buendia, Alabang at Calamba

Aabot na sa P873.6 bilyon na ang nagugugol sa proyekto sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at ng Asian Development Bank.

Base sa bagong target ng DOTr, magkakaroon ng partial operation mula sa Valenzuela hanggang sa Clark International Airport sa huling bahaging 2027 o unang bahagi ng 2028. 

Samantala, nai-deliver na sa isang bahagi ng Bulacan ang mga riles ng tren na ikakabit sa mga viaduct sa susunod na mga buwan. 

Tiniyak ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuya Endo na patuloy na nakatutok ang pamahalaan ng Japan, mga kontratistang Hapon at ang JICA upang matiyak na matutupad ang itinakdang inisyal na operasyon ng NSCR.

Magiging simbulo aniya ang NSCR ng isang matatag na pagtutulungan at pagiging tunay na magkaibigan ng Pilipinas at Japan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews