Re-training ng mga pulis

Isang re-training program ang isinasagawa ngayon para sa 155 na tiwaling pulis sa buong Central Luzon bilang tugon sa reformation program ng Philippine National Police (PNP).

Dapat sana ay isinagawa muna ang re-training program ng mga ito bago isinabak sa laban kontra droga na kumitil sa buhay ng mahigit na 8,000 katao. “Rotten to the core” ika nga ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpatigil sa “Oplan Tokhang” matapos patayin sa loob mismo ng Headquarters ng PNP sa Camp Crame ang Koreanong si Jee Ick Joo ng Angeles City.

Sa 155 na pulis na kasalukuyang nasa re-training program, 14 dito ang galing sa Pampanga Provincial Police Office (PPO). Hindi naman kumbinsido si Pampanga Governor Lilia Pineda at hinikayat ang PNP na maghanap pa ng mga abusado at tamad na pulis. Ayon pa kay Pineda: “Kulang yan…maghanap pa sila ng mga pulis na mga abusado, tamad.”

Ang mga tiwaling pulis na ito ay sangkot sa ibat ibang administrative at kriminal na asunto.

Ayon kay Central Luzon police director Chief Supt. Aaron N. Aquino, ang re-training program ay layong magbigay ng disiplina at paghusayan pa ang serbisyo sa hanay ng katulisan – kapulisan po pala.

Ayon pa kay Aquino, ang pagpapadala sa mga tiwaling pulis na ito sa Southern Mindanao ay hindi magiging solusyon kung kaya’t binigyan pa sila ng tsansa na magbago. Ang re-training program ay magbibigay ng spiritual counselling, attitude at behavioural training.

Tila hindi naman kuntento si Governor Pineda sa mababang bilang ng mga tiwaling pulis na sumailalim sa re-training program. “Nandiyan pa yung pulis na nakapatay, ang sabi sa akin ay nagdu-duty pa,” ani Pineda.

Dapat siguro ay sinibak na lamang sa tungkulin ang mga tiwaling pulis na ito pagkat sa wari ko hindi na magbabago pa ang mga ito sa kanilang nakasanayan. Marami naman mga bagong graduates na papalit sa kanila.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews