Hindi lamang mga tiga-Gapan o mamamayan ng ika-apat na distrito sa Nueva Ecija ang mebebenipisyuhan sa itatayong Meralco Terra Solar Project kundi ang buong lalawigan.
Ito ang ipinahayag ni Nueva Ecija 4th District Representative Congressman Emerson Pascual sa isinagawang groundbreaking ceremony ng naturang proyekto sa Peñaranda, Nueva Ecija.
Aniya, hindi lamang ang kanilang distrito kundi ang buong Nueva Ecija ang mailalagay sa mapa ng kasaysayan dahil dito matatagpuan ang pinakamalaking solar project sa buong mundo.
Sinabi rin ni Pascual na maliban sa pagsusuplay ng kuryente sa grid ay inaasahang magbibigay rin ng maraming trabaho para sa mga kababayan ang itatayong solar project, mula sa kontruksyon hanggang sa ito ay maging fully operational.
“Kasi ito, hindi lang ito yung basta siya isang magsusupply lang ng kuryente sa NGCP. Ito ay may napakagandang economic impact sa amin, hindi lang sa Peñaranda, sa bayan ng Gapan. Plus ‘yung livelihood, yung magiging empleyado nila. Aabutin sila ng almost 10,000 employee kapag ito nag-fully operational na,” pahayag ni Pascual.
Sa naging mensahe naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay kaniyang binigyang diin ang kahalagahan ng ganitong proyekto.
“We are all very excited at the groundbreaking ceremony for this very very important project, MTerra Solar. This is the largest solar power facility with battery. Mayroong 3,500 sa ibang lugar, 3,500 hectare ngunit yung kanila walang baterya. Ito lang ang una sa buong mundo na nagkaroon nang hindi lamang solar na 3 and a half thousand hectares kundi mayroong battery pa rin para magtuloy-tuloy ang pagbibigay ng kuryente sa grid,” sambit ng Pangulo.
Ayon pa sa Pangulo ay inaasahang makapaghahatid ang proyekto nang mas mura at matatag na suplay ng kuryente sa higit dalawang milyong kabahayan.
Bukod pa rito ang mababawas na 4.3 million metric tons na carbon emissions kada taon sa paggamit ng solar project, na bahagi sa layunin ng bansa na lumipat sa paggamit ng sustainable energy.
Kaugnay nito ay binabati ng Pangulo ang lahat ng mga tanggapan o kumpanya na nagtulong-tulong para maisakatuparan ang Meralco Terra Solar Project at asahan ang patuloy na pagsubaybay at pagtulong ang pamahalaan para sa ikatatagumpay nito. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)