Ipinahayag ng bagong administrasyon ng Bulacan State University (BulSU) na ibinaba nila ang kanilang admission policy upang mas maraming mag-aaral ang magkaroon ng pagkakataon na makapasok sa nasabing Unibersidad.
Nabatid na ang bagong ipinatutupad ngayon ng BulSU para sa academic year 2024 – 2025 ay nagtatakda ng minimum general weighted average (GWA) na 87 mula sa dati nitong 90 para sa mga kursong mayroong board o licensure exam.
Ibinaba naman sa 85 buhat sa 87 ang para sa mga kursong walang board o licensure exam. Ang BulSU main campus ay mayroong 26,053 mag-aaral at nasa 43,498 namang kabuuan sa lahat ng campuses sa buong lalawigan.
Pag-akit at pagpapahusay ng student diversity sa pamamagitan ng paglikha ng isang mas inklusibo at patas na proseso ng pagtanggap para sa isang kuwalipikadong mag-aaral ang siyang pangunahing panawagan ng bagong administrasyon.
Kaya naman sa ilalim ng pamumuno ng bagong talagang BulSU President na si Dr. Teody C. San Andres ay masusing inaral at sinuri ng Student Policy and Program Development Office kasama ang Admissions Office ang kasalukuyang proseso ng ‘admission’.
Ito aniya ay sa pamamagitan ng pagkilala sa mga posibleng pagkakaroon ng deskriminasyon, pagtatatag ng mga mekanismo upang matiyak ang consistent non-discriminatory admissions process.
Kabilang din ang paglikha ng epektibong communication channels para sa internal at external stakeholder at pagsasagawa ng mga regular assessment upang mapahusay ang pagiging epektibo ng proseso.
“This adjustment is seen as a measure to provide a fair opportunity for all students to excel in the admissions examination. Additionally, interviews will be conducted for programs that require certain personality traits, ensuring that applicants align with the industry’s desired qualifications,” ayon kay San Andres.
Ayon pa kay San Andres, isinasaalang-alang din ng BulSU ang affirmative action upang mabigyan ng pantay na pagkakataon ang mga miyembro ng indigenous cultural community, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4ps), students with special needs, mga nagtapos ng alternative learning system (ALS), anak ng solo parent, at miyembro ng BulSU adopted community.
Dagdag pa nito na ang mga hakbanging ito ay ipinatutupad ng Unibersidad upang magarantiya ang isang fair and transparent admissions process na sumasalamin sa core values ng BulSU.