Aktibong pamumuhay, isinulong ng NNC sa pamamagitan ng fun run

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Upang isulong ang malusog at aktibong pamumuhay, inorganisa ng National Nutrition Council o NNC 3 ang isang fun run para sa mga kawani ng pamahalaan. 

Nakaangkla ang nasabing aktibidad na pinamagatang “Fun Run Para sa Nutrisyon” sa temang “Kumain nang Wasto at Maging Aktibo…Push Natin ‘to!” na naglalayong ibalanse ang malusog na pagkain at regular na ehersisyo.

Ayon kay NNC 3 Regional Nutrition Program Coordinator Ana Maria Rosaldo, mahalaga ang pagkain nang tama at pag-ehersisyo, ngunit mas mahalaga na mapanatili ang dalawang ito upang masiguro ng bawat isa ang kanyang kalusugan.

Sinabi naman ni University of the Philippines Diliman-College of Human Kinetics Professor Hercules Callanta na upang mapanatili ang mabuting pangangatawan, kinakailangang mag-ehersisyo ng hindi bababa sa apat na beses kada lingo.

Ipinaliwanag din niya ang mga benepisyo ng pag-ehersisyo at mga kaakibat na panganib ng kawalan ng pisikal na aktibidad.

Aniya, ang pag-upo ng matagal ay may panganib na tulad ng paninigarilyo at pinapababa nito ang good cholesterol at insulin sa dugo na maaring humantong sa pagkakaroon ng diabetes. 

Dagdag niya, maaaring magkaroon ng non-communicable diseases o NCDs ang mga taong kulang sa ehersisyo gaya ng sakit sa puso, kanser, altapresyon at fatty liver, at maaring humantong sa sobrang taba.

Binanggit din niya na base sa world inactivity index, 80 porsyento ng mga tao sa buong mundo ay kulang sa ehersisyo at apat na milyon ang namamatay kada taon dahil sa NCDs.

Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na maging aktibo upang maiwasan ang maagang pagkamatay. 

Samantala, pinasalamatan naman ni Rosaldo ang mga lumahok sa nasabing aktibidad at iminungkahing gawin itong taunang aktibidad para sa mga kawani ng pamahalaan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews