Mahigpit na ipatutupad sa lalawigan ng Bulacan ang isang Executive Order o ang “Anti-epal” na kung saan pinag-utos ni Governor Daniel R. Fernando na tanggalin ang lahat ng sira, luma at hindi na namementinang mga tarpaulin na nakalagay sa mga daan, bakanteng lote at iba pang pampublikong parke o lugar kabilang na ang mga nakasabit sa puno at poste sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ay sa bisa ng Executive Order No. 002-2019, na sarili bersyon ng batas na ‘anti-epal’ ng punong lalawigan.
Inilabas ang nasabing kautusan upang bantayan ang mga tarpaulin na nakapaskil sa buong lalawigan na walang konsiderasyon sa kung saan ito dapat ilagay at iskedyul ng pagtatanggal na nakadadagdag sa basura sa lalawigan.
Nakasaad sa EO na nililimitahan ang pagpapaskil ng lahat ng mga promotional materialbilang suporta sa proyektong pangkalinisan sa Bulacan.
“Kahit mga mukha namin ni Vice Gov. Willy Alvarado pinatatanggal natin dahil ang totoo dapat tayong lahat ay concerned dito,” ani Fernando.
Kaugnay nito, inilabas din ng gobernador ang EO No. 005-2019 na hinggil sa mga panuntunan sa pagpapaskil ng mga pabatid, tarpaulin at iba pang patalastas sa lalawigan at pinangunahan ang pagtatanggal ng mga tarpaulin na nakalagay sa mga poste sa Bocaue kamakailan.
Sinabi ni Fernando na ang mga EO na ito ay mahigpit na pagpapatupad sa mga nauna ng panlalawigang kautusan bilang 02-2012, 006-2002, at 001-1996 o ang Provincial Administrative Code of Bulacan kung saan naroon din hindi lamang ang tagal ng ilalagi ng mga ipapaskil kundi maging ang kaukulang multa at parusa na hindi bababa sa P1,000 at hindi lalagpas sa P5,000 o pagkabilanggo.
Ang mga makokolektang multa ay hahatiin sa barangay, munisipyo at pamahalaang panlalawigan.
“Lahat ng ito ay muling dumadaan sa ebalwasyon pero kung ang offense ay sa provincial o national road, 100% ng fines mapupunta sa PGB, ‘pag sa municipal road, 40% sa probinsiya 60% sa munisipyo at kung barangay road 35% sa probinsiya at 65% sa local fund ng Sangguniang Barangay,” aniya.Idinagdag pa ng punong lalawigan na ang nasabing EO ay alinsunod sa Republic Act 7160 na tumutukoy sa pagpapatupad ng batas na nagbabawal sa polusyon na mahalaga sa pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman.