Pinuri ni Philippine Army Commanding General Lieutenant General Romeo Brawner Jr. ang mga gampanin ng 7th Infantry Division o 7ID kontra terorismo.
Sa kanyang mensahe bilang panauhing tagapagsalita sa idinaos na pagdiriwang ng ika-34 anibersaryo ng dibisyon, binigyang pagkilala ni Brawner ang patuloy na kampanya at isinasagawang operasyon ng hanay laban sa mga Communist Terrorist Group o CTG tungo sa kapayapaan at tunay na pag-unlad ng rehiyon at iba pang mga nasasakupang lugar ng dibisyon.
Simula nakaraang taon lamang ay nasa 116 rebelde ang sumuko sa 7ID bukod pa ang 1,538 underground mass organization members na bumitaw sa pagsuporta sa mga CTG at ang 205 armas na narekober ng mga kasundaluhan mula sa mga isinulong na hakbang at pagbabantay seguridad kontra sa mga kalaban ng gobyerno.
Pahayag ni Brawner, ang mga tagumpay na ito ay nakapagpahina sa pwersa ng mga CTG sa buong rehiyon.
Kaugnay nito ay kaniyang pinangunahan ang paggawad ng parangal at pagkilala sa mga natatanging kasundaluhan, yunit at mga stakeholder ng 7ID na malaki ang ambag sa mga napagtagumpayang adhikain ng dibisyon.
Binigyang halaga din ni Brawner ang pagpapataas ng moral at pangangalaga sa kapakanan ng hindi lamang mga kasundaluhan ng ID kundi pati ng kanilang mga dependents sa pamamagitan ng mga konsultasyon at serbisyong medikal.
Aniya, hindi lamang sa larangan ng combat mahusay ang mga kasundaluhan pagkat sila din ang laging naaasahan sa pagtulong sa mga kababayan at komunidad na nasalanta ng mga kalamidad tulad ang kamakailan lang na tumamang lindol sa Hilagang Luzon.
Ang kanyang mensahe sa bawat kasundaluhan ng 7ID ay patuloy na maging tapat at magtalaga sa tungkulin bilang miyembro ng hukbong katihan ng bansa tungo sa sama-samang layuning tuluyang masupil ang mga kalaban ng pamahalaan, sa patuloy na pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan at pangangalaga sa kapayapaan ng bansa.
Pahayag ni 7ID Commander Major General Andrew Costelo, may kinahaharap mang hamon at suliranin ang bansa tulad ang epekto ng pandemya ay patuloy sa pagtupad ng tungkulin ang mga kasundaluhan sa pamamagitan ng suporta ng mga komunidad at mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)