LUNGSOD NG MALOLOS — Pinangunahan nitong Martes ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang inagurasyon ng bagong tayong Provincial Livelihood Training Center.
Ayon kay Gobernador Wilhelmino Sy Alvarado, ito ay dalawang palapag na gusali na may anim na silid-aralan kung saan ilalaan ito para sa mga kursong bread and pastry, language, dining and laundry, at living and bedroom.
Kasabay nito, may 879 Bulakenyo ang tumanggap ng panimulang pangkabuhayan.
Kabilang na rito ang 200 benepisyaryo ng Sari-sari Store groceries, 250 para sa massage therapy, 100 para sa beauty care at hair dressing, 34 para sa soap making, 15 para sa welding, 30 para sa sewing kit, 150 para sa food processing, at 100 para sa Pandesalayang Bayan.
Bukod sa makinarya, tumanggap din ang mga benepisyaryo ng Pandesalang Bayan ng tig limang libong pisong ng produktong panggawa ng pandesal.
Bukod dito, nagkaloob din ang DOLE ng mga tulong pinansyal sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na nagkakahalaga ng 15 milyong piso.
Tumanggap rin ang munisipyo ng Balagtas ng 3.37 milyong piso, Norzagaray-1.42 milyong piso, Bocaue- 9.69 milyong piso, Pandi- 23.93 milyong piso, at San Jose del Monte- 40.40 milyong piso.
Nagpasalamat si Alvarado sa lahat ng tulong ng DOLE at binigyang diin na malaki ang maitutulong nito upang matugunan ang suliranin sa kawalan ng trabaho at kahirapan sa probinsiya. (CLJD/VFC-PIA 3) Vinson F. Concepcion