LUNGSOD NG MALOLOS — Pumalo sa 104 bilyong piso ang bagong pamumuhunang pumasok sa Bulacan noong 2017 na lumikha ng may 35,770 trabaho.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Provincial Director Zorina Aldana, 93.6 bilyong piso dito ay inaprubahan ng Board of Investments, 10.2 bilyong piso ang inaprubahan ng DTI sa tulong ng mga binuksang anim na mga Negosyo Centers, at 255 milyong piso mula sa mga bagong rehistrong Small and Medium Enterprises.
Naitala ng DTI-Bulacan na pinakamalaking puhunang pumasok sa lalawigan ay nagmula sa San Miguel Corporation Mass Railway Transit 7 Inc.
Aabot sa 2,182 na karagdagang trabaho ang nabuksan na siyang nagtatayo ng MRT 7 na magiging bagong linya ng tren mula sa lungsod ng San Jose Del Monte hanggang EDSA-North Avenue sa lungsod ng Quezon.
Patuloy naman ang pagusbong ng real estate sa Bulacan.
Sampung bagong mga sites ang pinasimulan sa iba’t ibang panig ng lalawigan kabilang ang C&S Realty Development Corporation, Hausplus Ventures Inc., Kirkwood Development Corporation, Communities Bulacan Inc., Household Development Corporation, Bleaushea Property Corporation at, The New APEC Development Corporation.
Sinasabayan naman ito ng paglago pa ng pamumuhunan sa sektor ng electricity, gas, stream and air-conditioning supply na ipinuhunan ng Armstrong Fly-Ash and Logistic Company at Powerhouse First Bulacan Solar Inc.
Bilang patunay sa masiglang sektor ng real estate, malakas ang negosyo ngayon ng semento na nagbunsod sa pagpapalaki pa ng pamumuhunan ng mga pabrika nito.
Halimbawa, namuhunan ng panibagong 6.5 bilyong piso ang Eagle Cement Corporation upang makapagta Third Production Line sa kanilang pabrika na nasa San Ildefonso na nakatakdang buksang ngayong 2018.
Kaya nitong makagawa ng dalawang milyong tonelada ng semento na katumbas ng 50 milyong sako.
Madadagdagan pa ito ng 180 milyong sako na katumbas ng pitong milyong tonelada ng semento.
Nagbukas din sa Bulacan ang AAA Solid Metal Trading na gumagawa ng specialty roofing accessories bilang tugon sa malakas an real estate industry at investments sa lalawigan.
Iba pa rito ang pamumuhunan ng Liciada Innovations Inc sa fortified compressed soil na kailangan din sa mga real estate at mga imprastrakturang ipinapagawa ng pamahalaan.
Sa sektor naman ng agrikultura, nagdagdag sa masiglang industriya ng virgin coconut oil ang pamumuhunan ng Rizal VCO Philippines Corporation.
Lumalabas sa datos ng DTI na ang bagong pamumuhunang nailagak sa Bulacan ay sadyang pinakamalaki sa alinmang lalawigan sa Gitnang Luzon na nakapagtala ng average na 22 bilyong piso.