Kaugnay ng tumataas na bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Bataan, minabuti ni Bataan Governor Abet Garcia na pansamantalang itigil ang operasyon sa lahat ng mga tanggapan sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan sa araw ng Hueves, ika-30 ng Hulyo 2020.
Ayon pa sa Gobernador, ito ay upang mas mabigyang-daan ang mas malawakang disinfection sa The Bunker Building at lahat ng mga tanggapan sa Capitol Compound.
Kasabay na rin nito, ang pagsasagawa ng RT-PCR sa lahat ng mga naging close contacts ng dalawa sa kawani ng Kapitolyo na nagpositibo sa COVID-19 nang sila ay dumalo sa isang religious gathering noong ika-19 ng Hulyo.
Ang hakbang na ito, dagdag pa ni Gov. Garcia, ay naglalayong proteksyonan ang lahat ng mga kawani na syang nangangasiwa sa mga programa at serbisyo publiko ng Pamahalaang Panlalawigan.
At dahil sa pista opisyal sa Biyernes kaugnay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha ng mga kapatid na Muslim, sa Lunes, ika-3 ng Agosto na aniya muling magbubukas ang mga tanggapan sa Kapitolyo ng Bataan.