ORANI, Bataan — Rumampa at nagpakita ng iba’t ibang talento ang mga myembro ng LGBT community sa unang Distrito ng Bataan sa isinasagawang Gala Night ng Bataan Equality Champs (BECs) nitong Linggo.
Bawat grupo ng Lesbians, Gays, Bisexuals at Transgenders (LGBT) mula sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay at Morong ay nagpakita ng kani-kanilang talento sa pag sayaw, pag kanta at pagpapamalas ng kanilang talino at kakayahan bilang bahagi ng ginagalawang lipunan.
Ang ilan ay binigyang parangal sa mga natatanging naging kontribusyon sa Arts at Entertainment, Public Service at sa larangan ng pagnenegosyo.
Si Bataan First District Congresswoman Geraldine Roman at ang showbiz personality at outgoing Bataan Board Member Dexter “Teri Onor” Dominguez ang nagsilbing inspirasyon ng naturang grupo para sa adbokasiyang “Gender Equality” kaugnay sa tamang pagtrato o diskriminasyon ng ilang sektor at indibidwal sa lipunan sa mga LGBT sa bansa.
Ang Anti Discrimination Bill ni Congresswoman Roman ay naipasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong 17th Congress subalit pagdating aniya sa Senado ay hinarang nila Senate President Tito Sotto at Senator Joel Villanueva kaya’t hindi ito naipasa para maging ganap na batas.
Samantala, target naman ni Rep. Roman na ikutin ang lahat ng probinsya, bayan at syudad sa bansa para maipasa sa provincial at municipal level ang anti discrimination ordinance, kundi man lumusot ito sa national level.
Dito sa Bataan, kauna unahang nagpasa ng naturang ordinansa ang bayan ng Orani at sinundan naman ng bayan ng Samal.
Bukod sa Orani at Samal ay mayroong iba pang lugar kagaya ng 18 lungsod sa bansa (Angeles, Antipolo, Bacolod, Baguio, Batangas City, Butuan, Candon, Cebu City, Dagupan, Davao City, General Santos, Iloilo City, Mandaue, Mandaluyong, Quezon City, Puerto Princesa, San Juan, at Vigan), isang munisipalidad (San Julian, Eastern Samar), tatlong barangay (Bagbag, Greater Lagro, at Pansol, Quezon City), at anim na probinsiya (Agusan Del Norte, Batangas, Cavite, Dinagat Islands, Ilocos Sur, and Iloilo) ang nakapagpasa na ng kani-kanilang anti-discrimination ordinances.