BALANGA CITY – Nananatiling positibo sa Red Tide toxin ang 7 bayan at isang syudad sa Bataan.
Ito ay base sa inilabas na Shellfish Bulletin No.01, Series of 2019 na may petsang January 14, 2019, ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon sa latest laboratory results ng BFAR at mga Local Government Units (LGUs), ang mga shellfishes na nakolekta sa mga bayan ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga City, Orani, Abucay at Samal sa Bataan, maging ang coastal waters ng Pampanga ay positibo sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) at lampas sa itinakdang regulatory limit.
Bukod sa mga nabanggit na lugar positibo rin sa PSP ang Matarinao Bay sa Eastern Samar; Lianga Bay sa Surigao del Sur; coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Puerto Princesa Bay, Puerto Princesa City sa Palawan.
Maging ang Cancabato Bay, Tacloban City sa Leyte ay positive na rin sa red tide toxin.
Dahil dito, ipinagbabawal pa rin ang pagkain, paghango at pagbebenta ng lahat ng uri ng shellfish kagaya ng tahong, talaba, atbp. pati na ang alamang na nagmula sa mga nabanggit na lugar.
Gayunman safe naman kainin ayon sa BFAR ang mga isda, alimango, hipon at pusit basta’t nahugasan maigi ang mga ito bago iluto.