BATAAN CAPITOL — Nagpalabas ng Kautusan si Bataan Governor Albert Raymond Garcia nagbabawal ng pagpasok sa lalawigan ng Bataan ng mga buhay na baboy, pork at pork products na nagmula sa mga lalawigan ng Bulacan at Rizal.
Ito ang nakasaad sa Executive Order no. 79 series of 2019 na nilagdaan ng Gobernador nitong nagdaang Biernes, Setyembre 13,2019.
Ayon kay Bataan Provincial Veterinarian, Dr. Albert Venturina, ito ay kaugnay ng mga napabalitang may mga baboy sa mga nabanggit na probinsiya na kontaminado o apektado ng African Swine Fever base sa mga naging pagsusuri ng Department of Agriculture.
Buwan ng Agosto 2019 nang mapabalita ang pagkamatay ng mga baboy sa mga lalawigan ng Rizal at Bulacan sanhi ng naturang sakit o swine disease.
Dagdag pa ni Dr. Venturina na sa sandaling makakuha na ng clearance mul sa Department of Agriculture na safe na ang mga baboy at pork products sa mga lalawigang nabanggit ay saka pa lamang ili-lift o aalisin ng Gobernador ang total ban ng nabanggit na hayop at mga produkto nito mula sa mga probinsyang ito.
Tiniyak din ng opisyal na nananatiling African Swine Fever-free ang lalawigan ng Bataan at nagpapatuloy ang quarantine checkpoints sa mga istratehikong lugar o kalsada sa buong lalawigan para tiyaking walang mga produkto o buhay na baboy na makakapasok sa Bataan nang walang kaukulang dokumento ng pinagmulan nito.