Nagpahayag ng pagsuporta ang mga incumbent mayors kasama na rin ang iba pang mga kandidato sa presidential at vice-presidential bid ng UniTeam candidates na sina Ferdinand ‘Bombong’ Marcos Jr. at Mayor Sara Duterte para sa 2022 national elections.
Sa panayam kay Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr., pangulo ng League of Municipalities of the Philippines- Bulacan Chapter ay kinumpirma nito ang ipinalabas na manifesto.
Sa nilagdaang manifesto, 15 incumbent mayors at 3 kandidato pa ang nagpahayag ng kanilang suporta sa kandidatura nina BBM at Sara.
Anila, tiwala sila sa pamumunong ihahatid ni Marcos sakaling mahalal bilang presidente
Kabilang sa mga alkaldeng nagpahayag ng suporta ay sina Mayor Cruz, Mayor Eladio Gonzales Jr. ng Balagtas, Mayor Jose Santiago Jr. ng Bocaue, Mayor Francis Albert Juan ng Bustos, Mayor Ricky Silvestre ng Marilao, Mayor Mary Ann Marcos ng Paombong, Mayor Roderick Tiongson ng San Miguel, Mayor Cipriano Violago Jr. ng San Rafael, Mayor Raulito Manlapaz ng Hagonoy, Mayor Arthur Robes ng City of San Jose Del Monte, Mayor Edwin Santos ng Obando, Mayor Russel Pleyto ng Sta. Maria, Mayor Narding De Leon ng Angat, Mayor Ferdie Estrella ng Baliuag, at Mayor Vergel Meneses ng Bulakan.
Kasama rin sumusuporta sa UniTeam ang mga mayoral candidates former mayor Christian Natividad ng Malolos City, former mayor Geronimo Cristobal ng Norzagaray at Cris Castro ng Pandi.
“We collectively believe that Marcos and Duterte is the tandem our country needs to unite our people and to bounce back as a nation,” ayon sa manifesto.
Nadagdag naman ang mga incumbent mayors na sina Mayor Anastacia Vistan ng Plaridel, Mayor Rico Roque ng Pandi, Mayor Alfred Germar ng Norzagaray at Mayor Jessie De Jesus ng Calumpit sa mga nagpahayag din ng kanilang suporta para kay Mayor Sara Duterte.
“As elected local chief executives and official candidates, we are mandated to look after the welfare of our people, we have faith that the UniTeam will deliver the much-needed support to our localities,” wika pa nila sa manifesto.
Pahayag nila, buo ang kanilang tiwala at paninindigan na si Sara ang karapat-dapat maluklok na bise-presidente at dama nila na magiging matapat na kaagapay ng mga lokal na pamahalaan hindi lamang sa Bulacan kundi maging sa buong kapuluan.
Ang nilagdaang manifesto ay nakatakdang isumite personal kina Marcos at Duterte ano mang araw mula ngayon.